Search This Blog

Saturday, September 25, 2021

NANANATILI ANG SUMUSUNOD

    1 Juan 3:24

"Ang sumusunod sa mga utos ng Diyos ay nananatili sa Diyos, at nananatili naman sa kanya ang Diyos. At nalalaman nating nananatili siya sa atin sa pamamagitan ng Espiritung ipinagkaloob niya sa atin."

____________________

NANANATILI SA DIYOS ANG SUMUSUNOD SA UTOS NG DIYOS. Madaling sabihing, "Hindi naman ako nakalilinot sa Diyos." Kahit pa ang nagsabi nito ay hindi mo na makita sa mga gawain lalo na sa pananambahan kapag araw ng Linggo. Kung ang simpleng pagsunod sa utos tungkol sa pagsamba sa Diyos ay hindi matapat na naisasagawa, paano pa ang mga utos na kinakailangan ng lakas, panahon at maging nang ating pananalapi? Di nga ba tayo nakalilimot? O ito'y pangangatwiran lamang upang hindi masabing tayo ay malayo na sa pakikipag-ugnay sa Diyos? Ang palatandaan ng ating buhay na nananatili sa Diyos ay kung paano natin sinusunod ang Kanyang mga utos.

ANG ESPIRITUNG NASA ATIN ANG MAGPAPATUNAY NG PANANATILI NATIN. Sa kaibuturan ng ating mga puso, nadadama natin ang kilos ng Banal na Espiritu at kung paano Niyang tinitiyak ang ating pananatili sa Diyos. Maaari tayong dayain ng ating mga damdamin subalit hindi ang Espiritu ng Diyos. Habang tayo sumusunod sa mga utos ng Diyos, nagbubunga ito ng malapit at malalim na relasyon sa Diyos. Lalo tayo nagliliwanag sa Kanyang kabanalan at katuwiran sa harapan ng mga tao. Nakikita ang katunayan ng ating pagiging mananampalataya dahil sa buhay nating nakaugnay sa kalooban ng Diyos. At ito ang iniuugnay ng Espiritu sa atin.

Ang Espiritu ng Diyos ang Patnubay natin sa buhay Cristiano. Siya ang nagtuturo ng landas na dapat nating sundin habang tayo ay naglalakbay sa pagiging alagad. Ipinauunawa Niya sa atin ang kalooban ng Diyos na ating susundin at nang tayo ay makapagbigay ng pagluwalhati sa Panginoong Jesus.


Pastor Jhun Lopez

No comments:

Post a Comment

Featured Post

LUMALAGO SA PANANAMPALATAYA

      Alam ko ang mga ginagawa mo: ang iyong pag-ibig, katapatan, paglilingkod at pagtitiyaga. Nalalaman kong ang mga ginagawa mo ngayon ay ...