Search This Blog

Saturday, June 26, 2021

HUWAG IBIGIN ANG SANLIBUTAN

 1 Juan 2:16

"Ang lahat ng nasa sanlibutan, ang pagnanasa ng laman, ang pagnanasa ng mga mata, at ang pagmamalaki sa buhay na ito ay hindi nagmumula sa Ama kundi sa sanlibutan. "

____________________

ANG LAHAT NG NASA SANLIBUTAN. Hindi natin maiaalis ang ating mga sarili sa mundong ito. Habang tayo ay nabubuhay, ang mundong ginagalawan natin ay mananatiling bahagi ng ating pang-araw-araw na buhay. Ang sanlibutang tinutukoy ni Apostol Juan ay hindi ang kalikasang nilikha ng Diyos. Ito ay ang mga gawain ng sanlibutan na nagdadala sa pagkakasala ng isang tao. Kaya nga, iniutos niyang "Huwag ninyong ibigin ang sanlibutan o ang mga bagay na nasa sanlibutan" (t, 15). Ang pag-ibig sa mga bagay ng sanlibutan ay maglalayo sa atin sa Diyos. Hindi maaaring mahal mo ang Diyos at kasabay nito ay mahal mo rin ang mga bagay ng sanlibutan.  

MGA GAWAING MAKASANLIBUTAN. Ang buhay natin sa sanlibutan ay punung-puno ng mga pakikibaka. Nakikibaka tayo sa pagnanasa ng laman, sa pagnanasa ng mga mata at sa pagmamalaki sa buhay. Ang tawag ng laman ay isa sa mga struggles ng isang Cristiano sapagkat sadyang may sekswal na pakiramdam ang bawat isa at dito naglalagay ng bitag ang kaaway sa kahit anong antas ng buhay. Ang mga mata ay pilit na sinisilaw sa mga paghahangad na makamit sa buhay na kadalasang nagtatanim ng inggit sa puso ng isang tao. Ang pagpapataasan ay isa sa mga pilit pinaglalabanan sa mga kumpetisyon makuha lang ang medalya o tropeo ng tagumpay na kadalasang nagiging sanhi ng pagmamalaki. Kung hindi iiwasan, ang lahat ng ito ay makakaapekto sa maunlad na pamumuhay Cristiano.

HINDI NAGMUMULA SA DIYOS AMA. Ang lahat ng gawaing makasanlibutan ay hindi mula sa Diyos. Saan man natin tingnan, ito ay taliwas sa mabubuting bagay na nais ipagawa ng Diyos sa atin. Sa panahon natin ngayon; ang kahalayan, tulad ng mga maling relasyon, ang maraming pang-akit sa ating mga mata, tulad ng mga magagandang bilihin, ang mga pagpapagalingan ng mga tao sa iba't ibang larangan ng buhay ay tila normal na at hindi na malaking isyu sa paningin. Unti-unting nagbago ang pamantayan ng moral ng tao; hindi ko lang lubos na masabi kung ito ay umunlad o lalo pang lumala. Gayunpaman, maliwanag sa Salita ng Diyos, "Ang lahat ng nasa sanlibutan... ay hindi nagmumula sa Ama kundi sa sanlibutan." Kaya nga, sa halip na ibigin ang mga gawang makasanlibutan, ibaling ang ating mga sarili sa pagmamahal sa Diyos.

 

Pastor Jhun Lopez




No comments:

Post a Comment

Featured Post

MAKABULUHAN AT MAPAKINABANG NA BUHAY CRISTIANO

          Kung ang mga katangiang ito ay taglay ninyo at pinagyayaman, ang inyong pagkakilala sa Panginoong Jesu-Cristo ay hindi mawawalan n...