Search This Blog

Wednesday, June 9, 2021

PASASALAMAT SA LUMALAGONG PANANAMPALATAYA

   2 Tesalonica 1:3

"Mga kapatid, tama lamang na kami'y laging magpasalamat sa Diyos dahil sa inyo, sapagkat patuloy na lumalago ang inyong pananampalataya kay Cristo at lalong nagiging maalab ang inyong pagmamahalan sa isa't isa."

____________________

TAMA LAMANG NA LAGING MAGPASALAMAT SA DIYOS. Kung mayroon mang nais ipagawa ng Diyos sa atin, isa sa mga ito ay ang pagpapasalamat. Ito ang kalooban Niya sa buhay ng bawat mananampalataya - ang magpasalamat sa lahat ng bagay. Hindi lamang sa mabubuting bagay maging sa mga pagkakataong tila madilim ang ating pinagdaraanan. Ang pagpapasalamat ay isa sa ipinakitang uri ng pamumuhay ni Apostol Pablo. Sa bawat sulat niya, na kahit minsan ay kailangan niyang gamitin ang pagiging ama sa pananampalataya, mababakas pa rin ang mapagpasalamat na diwa sa dakilang lingkod ng Diyos na ito na umabot sa mgaring mga tao mula sa iba't ibang mga bayan. Kaya nga, sa sulat niya sa mga taga-Tesalonica, ang pagpapasalamat sa buhay ng mga Cristiano dito ay gayon na lang ang pagpapasalamat niya.

PATULOY NA PAGLAGO SA PANANAMPALATAYA. Bilang lingkod ng Diyos na naging instrumental sa pananampalaya ng mga taga-Tesalonica, kagalakan ni Pablo ang natanggap niyang ulat na sila ay nagpapatuloy at limalago sa pananampalataya. Ito'y tanda na hindi nasayang ang pagpapagal niya para dito. Nakita niya ang pag-asang lumago at dumami pa ang mga magtatalaga ng buhay sa Panginoong Jesus sa bayang ito. Nagpapasalamat si Pablo sa Panginoon sapagkat ang binhing kanyang inihasik ay sumibol, lumaki at namunga sa kabila ng mga bulaang guro sa panahong iyon at sa mga pagsubok na kanilang napagtatagumpayan.

MAALAB NA PAGMAMAHALAN. Ang lumalagong pananampalataya ay nagbubunga ng pagmamahalan. Marapat lamang na tayo ay lumago sa pakikipag-ugnay sa Diyos sa pamamagitan ng mga pag-aaral ng Kanyang Salita. Kasabay nito ay ang paglago sa ating pakikipag-ugnay sa kapwa mananampalataya. Ang mga taga-Tesalonica ay nagpakita ng mabuting patotoo sa pamamagitan ng kanilang pagmamahalan. Hindi lang basta pagmamahalan, nag-aalab na pagmamahalan. Sila ay lumalago patungo sa pagsasabuhay ng ganap na pag-ibig. Bilang mga mananampalatayang nakapaloob sa samahan ng mga Cristiano, ang pagmamahal sa isa't isa ay pagsasabuhay ng ating mga natutuhan sa halimbawa ng Panginoong Jesus - inialay Niya ang Kanyang buhay!

Ang isang lingkod ng Diyos ay nagagalak at nagpapasalamat sa Diyos sa mga kapatirang pinaglingkuran niya lalong higit kung ang mga ito ay nagpapatuloy sa paglago sa pananampalataya at nakakakitaan ng pagmamahalan bilang magkakapatid. Nasaan natin ang mga bagay na ito!


Pastor Jhun Lopez


No comments:

Post a Comment

Featured Post

LUMALAGO SA PANANAMPALATAYA

      Alam ko ang mga ginagawa mo: ang iyong pag-ibig, katapatan, paglilingkod at pagtitiyaga. Nalalaman kong ang mga ginagawa mo ngayon ay ...