Search This Blog

Saturday, June 12, 2021

KAALIWAN MISMO!

2 Tesalonica 2:16

"Aliwin nawa kayo ng ating Panginoong Jesu-Cristo mismo at ng ating Diyos Ama na umibig sa atin, at dahil sa kanyang kagandahang-loob ay nagbigay sa atin ng walang hanggang kaaliwan at magandang pag-asa."

____________________

ALIWIN KAYO NG PANGINOONG JESUS. Ang pandemya ay nagdulot ng malaking suliranin sa buhay ng buong mundo. Hindi man lahat, ang kabalisaan ay damang-dama sa kilos ng mga tao sa iba't ibang sektor ng lipunan maging sa pangkat ng mga mananampalatayang Cristiano. Ang mga Cristiano sa Tesalonica ay maaaring nasa ganitong sitwasyon noon bunga ng mga nagtuturo ng kaguluhan tungkol sa muling pagparito ng Panginoong Jesu-Cristo. Sa isang bagong tatag na iglesia at bata pa sa pananampalataya, kinailangang magpadala ng kalakasan sa kanilang kalipunan. At ang tinitiyak ni Pablo sa kanyang sulat, ang kaaliwang kailangan nila ay ipagkakaloob ng Panginoong Jesus, MISMO!

ALIWIN KAYO NG PAG-IBIG NG DIYOS. Maaaring isa sa atin ay nakakaranas na ng matinding kalungkutan. Lalo na sa mga taong ang pakiramdam ay wala nang nagmamahal sa kanya. Nag-iisa na at walang nagmamalasakit sa kanyang kalagayan. Magsasarili na lamang at ihihiwalay ang sarili sa mundo. Ang matitinding pagsubok na maaaring maranasan ng mga mananampalataya sa Tesalonica ay maaaring maglagay sa kanila sa pagkakalugmok. Kailangan nila ng kaaliwan. Ang pag-ibig ng Diyos ay napakalaking instrumento ng kaaliwan sa buhay ng isang tao. Ang malaman at maunawaan ang sinasabing "gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos" ay magdadala sa isipan at damdaming hindi tayo nag-iisa at tunay na may nagmamahal sa atin kahit na anupaman ang kalagayan ng ating mga buhay.

ALIWIN KAYO NG MAGANDANG PAG-ASA. Marahil ang kawalan ng pag-asa ang isa sa mga dahilan ng mga pagkitil ng buhay. Sumusuko at umaayaw na sa buhay kung kaya't naiisaip ang mas mabuting tapusin na lamang ito. Bilang mga mananampalataya sa panahon nina Pablo, ang mga pahirap na nararanasan nila, tulad ng kanyang sariling karanasan, ay normal na buhay para sa kanila. Subalit ang kaaliwang pinanghahawakan nila ay ang magandang pag-asa ng lahat ng mga sumasampalataya - ang muling pagbabalik ng Panginoong Jesus! Ito ang mapalad na pag-asa nating lahat. Matatapos ang lahat ng mga ito, kaama na ang pandemya at maaaring sumunod pa dito, kapag ang Araw ng Panginoong Jesu-Cristo ay naganap na! Kaaliwan ang sumaating lahat!

Maaaring tayong lahat ay naghahanap ng mga paraan kung paano mapalalakas ang ating mga kalooban lalo sa panahong ito ng pandemya. Maaaring nagsasaliksik pa tayo kung paano tayo mapapanatili sa pananampalataya sa kabila ng mga pagsubok at mabibigat na pinagdaraanan natin. Tandaan, ang kaaliwan ay ating matatanggap mula sa Panginoong Jesus, MISMO!


Pastor Jhun Lopez


No comments:

Post a Comment

Featured Post

LUMALAGO SA PANANAMPALATAYA

      Alam ko ang mga ginagawa mo: ang iyong pag-ibig, katapatan, paglilingkod at pagtitiyaga. Nalalaman kong ang mga ginagawa mo ngayon ay ...