1 Tesalonica 5:14
"Mga kapatid, ipinapakiusap din namin na inyong pagsabihan ang mga tamad, pasiglahin ang mahihinang-loob, at kalingain ang mga mahihina. Maging matiyaga kayo sa kanilang lahat. "
____________________
PAGSABIHAN ANG MGA TAMAD. Ang tamad na tinutukoy dito ay hindi lamang ang mga taong walang ginagawa kundi ang ang taong may kakayahan namang gumawa subalit pinipiling hindi gumawa. Sa tahanan, sa trabaho maging sa loob ng iglesia, may mga taong nakikita na ang pagpapagal ng iba, subalit hindi pa rin magawang mag-abot ng kamay at tumulong. Pero ito ang katotohanan. May mga taong sadyang ganito ang pag-uugali. Kailangan silang akayin at ituro ang tamang gagawin hanggang matutuhan nilang magkusa sa paggawa at paglilingkod. Pagsabihan hindi para pagalitan kundi upang maipaunawa sa kanila ang halaga ng pakikipagkaisa. Pagtiyagaan natin sila!
PASIGLAHIN ANG MAY MAHIHINANG-LOOB. Hindi lahat sa iglsesia ay malalakas na sa pananamalataya. Iba-iba ang ating antas na maaaring kinatatayuan. At tiyak may ilan sa atin ang mahina ang loob o kasalukuyang dumadaan sa mga pagsubok na nagpapahina ng kanilang mga kalooban. Ang kailangan nila ay hindi galit o kaya ay sermon dahil sa kanilang kahinaan. Ang kailangan nila ay mga salitang magpapalakas ng kanilang loob at mga pagkilos na magsasabi sa kanilang , "kaya mo yan kapatid, bangon ka lang." Kung may mahihina ang loob, kailangan nila ang ating pang-unawa. Pagtiyagaan natin sila!
KALINGAIN ANG MGA MAHIHINA. Sadyang may mga mahihina sa kalipunan ng mga mananampalataya. Kailangang alam natin ito. Dahil hindi natin maaaring ituring sa parehong pakikitungo ang bawat miembro. May mga bagong kaanib na kailangan ang gabay ng isang nakatatandang Cristiano. At may mga matatagal na kaanib ang magpahanggang ngayon ay makakakitaan ng mahinang kalagayan ng pananampalataya. Ang kanilang kahinaan ay totoo at kailangan nila, hindi ng panghuhusga, kundi ng mga kapatirang kakalinga sa kanila hanggang marating nila ang mas malagong buhay Cristiano. Maaaring ikaw ang gagamitin upang gabayan sila at mapalakas. O kaya'y maaaring ikaw ang nangangailangan ng kalakasan sa kasalukuyan Pagtiyagaan natin sila!
Kung sakaling sa kapatirang ating sinasamahan ay may mga tamad. mahihinang-loob at mahihina, tanggaping sinusubok lamang ang iyong pag-ibig at pang-unawa sa kanila. Kapatid, maging matiyaga tayo sa kanilang lahat!
Pastor Jhun Lopez
No comments:
Post a Comment