1 Juan 2:2
"Si Cristo ang handog sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan, hindi lamang ang ating mga kasalanan, kundi maging ang kasalanan ng lahat ng tao."
____________________
HANDOG SA KAPATAWARAN NG KASALANAN. Sino nga ba sa atin ang makapagsasabing wala siyang kasalanan? O may lakas ng loob na sabihing hindi na siya nagkakasala? Sa aking palagay ay wala. Sapagkat ang katotohanan, lahat tayo ay makasalanan at malamang sa hindi, bawat isa sa atin ay nahuhulog pa rin sa pagkakasala. Ang Panginoong Jesus ay isinugo ng Diyos "upang maging handog para mapatawad ang ating mga kasalanan" (1 Juan 4:10). Ang Kanyang kamatayan sa krus ay pagpapatunay ng pag-ibig ng Diyos sa atin "noong tayo'y makasalanan pa" (Roma 5:8). Kaya nga napakahalaga ang pagsampalataya sa Kanyang ginawa "sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan."
PARA SA LAHAT NG MGA TAO. Bilang mga mananampalatayang Cristiano, ating inaangkin ang katotohanang ito - na tayo ay pinatawad na sa kasalanan. Ang kasalanang dulot ay kamatayan. Subalit ang kamatayang ito ay napagtagumpayan na ng Panginoong Jesus nang tubusin Niya ang kasalanan ng buong sanlibutan. Ang magandang balita para sa lahat ay ang katotohanan ding ang pagpapatawad na ibinigay Niya ay hindi lamang humahangga sa mga Cristiano kundi ito ay para sa lahat ng tao. Namatay Siya sa krus, hindi para sa iilan, kundi para sa lahat ng tao sa sanlibutang ito. Tinubos na ang kasalanan sa pamamagitan ng Kanyang pagkamatay sa krus, subalit ito ay nararanasan lamang ng mga taong napapabilang sa mga anak ng Diyos - ang mga taong nagsitanggap at nanalig sa Panginoong Jesus.
PAGPAPABANAL SA MGA PINATAWAD. Ang simumang sumampalataya. Ito ang kailangang isagawa ng isang tao upang siya ay maligtas - "hindi na mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan" (Juan 3:16). Ang kaligtasan ay tatanggapi ng sinumang mananalig ng buong puso at sasabihin ng kanyang labi na si Jesus ay kanyang Panginoon at Tagapagligtas (cf. Roma 10:9-10). At sa lahat ng mga nanalig at nagpapahayag na siya ay pinatawad na sa kasalanan ay nararapat na mamuhay sa isang buhay na binabanal ng Diyos patungo sa buhay na maluwalhati.
Pastor Jhun Lopez
No comments:
Post a Comment