Search This Blog

Monday, June 21, 2021

AKO'Y PATAWARIN

 1 Juan 1:9

"Subalit kung ipinapahayag natin ang ating mga kasalanan, patatawarin tayo ng Diyos sa mga ito, at lilinisin tayo sa lahat ng ating kasalanan, sapagkat siya'y tapat at matuwid."

____________________

IPAHAYAG ANG KASALANAN. Tayo ay malaya na sa kasalanan. Subalit, sino sa atin ang makapagsasabing siya ay hindi na nagkakasala? Malamang ay wala. Gayunpaman, inaasahan sa atin ang pamumuhay na hindi inaalipin ng kasalanan at hindi lumalakad sa kadiliman. Sapagkat ang ating Diyos na sinasampalatayanan ay "liwanag at walang anumang kadiliman sa Kanya" (t. 5). Ang pamumuhay sa kasalanan, sa kabila ng pagsasabi nating tayo ay nakipag-isa na kay Cristo, ay pagpapasimungaling ng sinasabi ng ating mga labi. Sa halip, sinisikap nating mamuhay sa liwanag, malaya sa kasalanan, bilang patunay ng ating pananampalataya. Kaya nga, ang pagpapahayag ng kasalanan ay mahalagang gawin ng isang Cristiano sa tuwing siya ay mahuhulog sa pagkakasala.

PATATAWARIN TAYO NG DIYOS. Ang pagpapahayag ng kasalanan ay hindi lamang simpleng paghingi ng patawad. Ito ay kusang pag-amin at pagtalikod sa nagawang kasalanan. Ito ay muling pagtatalaga ng sarili sa pagsunod sa kalooban ng Diyos. Na ang pinanggagalingan ay ang ginawang pagtubos ng Panginoong Jesus sa ating mga kasalanan dahil sa Kanyang kamatayan sa krus. Sa ganitong diwa, ang pagpapatawad ng Diyos, ayon sa Kanyang pangako, ay tatanggapin ng taong sa Kanya ay tapat na nagsisisi. Sa kabutihang loob ng Diyos, kasabay ng pagpapatawad Niya ay ang paglilinis sa atin sa lahat ng uri ng kasamaan.

TAPAT AT MATUWID ANG DIYOS. Madaling sabihin ang pagpapatawad. Subalit ang katiyakan nito ay hindi natin masisiguro kung ito ay ibibigay lamang ng kahit na sino. Ang Banal na Kasulatan ay tumitiyak sa atin, na ang Diyos na nagpapatawad ay TAPAT. Walang anumang pagsisinungaling at pandaraya sa Kanya. Ang sinabi Niya ay Kanyang tutuparin. Bilang Diyos na Siyang Maylikha sa atin  at Siyang may hawak ng ating mga buhay, sa Kanya nakasalalay ang kaligtasan at ikapatatawad ng ating mga kasalanan. Nakatitiyak tayo sa kapatawaran, sapagkat Siyang nagpatawad sa atin ay MATUWID. Ang kaliwanagan at kabanalan ay nais ng Diyos na makita sa buhay ng mga mananampalataya. Sapagkat Siya ay banal, dapat lang na tayo ay mamuhay sa kabanalan at malaya sa anumang gawa ng kasalanan.

Lahat tayo ay nagkakasala pa hanggang ngayon. Purihin natin ang Diyos! Sapagkat sa Kanyang biyaya ay may pagkakataon tayong makapanumbalik sa Kanyang liwanag. Ipahayag ang kasalanan, tayo'y Kanyang patatawarin at natitiyak nating magaganap ito. Sapagkat ang ating Diyos ay tapat at matuwid, lapit na sa Kanya at sabihing, "Nagkasala po ako, ako'y Inyong patawarin."


Pastor Jhun Lopez




No comments:

Post a Comment

Featured Post

LUMALAGO SA PANANAMPALATAYA

      Alam ko ang mga ginagawa mo: ang iyong pag-ibig, katapatan, paglilingkod at pagtitiyaga. Nalalaman kong ang mga ginagawa mo ngayon ay ...