1 Tesalonica 2:19
"Hindi ba't kayo ang aming pag-asa, kaligayahan, at ang koronang maipagmamalaki namin sa harap ng Panginoong Jesus pagparito niya? 20 Oo, kayo ang aming karangalan at kaligayahan."
____________________
PAG-ASA, KALIGAYAHAN AT KORONA. Gayon na lamang ang pananabik ni Pablo na makita ang mga mananampalataya sa Tesalonica bilang iglesiang kanyang napasimulan. Ang magandang balitang natanggap niya tungkol sa nagpapatuloy nilang pananampalataya sa kabila ng mga pagsubok at presensiya ng mga bulaang guro ay nagsilbing kaligayahan sa puso ng Apostol. Ang isang taong naakay sa pananampalataya ay malaking kagalakan sa isang lingkod ng Diyos. Lalo na kung ang taong ito na pinaglingkuran mo at ginabayan sa pagiging alagad ay nagpapatuloy sa Panginoon. Ang alaala ng pananampalataya, pag-ibig at pag-asa ng mga taga-Tesalonica para kay Pablo ay koronang ihaharap niya sa pagbabalik ng Panginoong Jesus. Gayundin sa panahon natin ngayon, ikaw na nagpapatuloy sa paglilingkod at pananampalataya sa Panginoong Jesus ay malaking kagalakan sa mga lingkod ng Diyos na umakay at humubog sa iyong buhay.
KARANGALAN AT KALIGAYAHAN. Dalawang bagay. Una, sa mga Cristianong ginagamit na ng Panginoon sa pag-aakay at pagdadala ng mga alagad ng Panginoong Jesus, ang mga taong nagsuko ng buhay sa Diyos at nagpapatuloy sa pananampalataya dahil sa iyong pagpapagal, naniniwala akong sila ang karangalan at kaligayahan ng iyong puso. Tulad ng kalakasang pananalita ni Pablo sa mga Cristiano sa Tesalonica, "Kayo ang aming karangalan at kasiyahan." Ang mga dinidisipulo mo ay gayundin naman. Ikalawa, bawat isa sa atin, kung ikaw ay mananampalataya, ay inakay at ginabayan ng mga Pastor o isang Christian Leader. Ang nagpapatuloy mong buhay sa Panginoon, hindi tumatalikod, ay karangalan at kasiyahan para sa kanilang ginamit ng Diyos sa iyong buhay.
Ang Cristianong nagpapatuloy sa pananampalataya ay pag-asa, kaligayahan at koronang maipagmamalaki ng mga lingkod ng Diyos sa muling pagparito ng Panginoong Jesus. Nawa'y masabi nila, para sa kanila, tayo ay kanilang karangalan at kasiyahan!
Pastor Jhun Lopez
No comments:
Post a Comment