BASAHIN: 1 Timoteo 1:12-17
“Maging
mapagpasalamat. Marahil sasabihin nating, maraming dapat ipagpasalamat. Tama
tayo sa kaisipang iyon. Mabiyaya ang maging alagad ng Panginoong Jesus subalit
sa kabila noon ay ang may mga pagsubok at mga paghihirap na pagdaraanan sa
buhay. Hindi maisasantabi na tayo ay minsang nakakaranas ng mga problema tulad
ng karanasan natin sa pandemya. Pero hindi dahilan ito para makalimutan natin
ang mga biyayang bigay ng Diyos. Bilang mga alagad, ang habag ng Diyos ay
sumasaatin gaano man kabigat ang pasan-pasan natin, ang kalinga ng Diyos ay
laging naririyan. Sa ating aralin ngayon, ating makikita kung paanong
ipinagpasalamat ni Apostol Pablo ang kahabagan ng Panginoon sa kanya bilang
lingkod ng Diyos.”
Si
Apostol Pablo ang discipler ni
Timoteo. Mula nang isama niya ito sa kanyang second missionary journey, si Timoteo ay nakasama na niya at
nakatuwang sa ministeryo maging sa panahong siya ay nakakulong na sa Roma. Isa
sa mga pamamaraan niya sa pagme-mentor
ay ang pagse-set ng mga halimbawang
maaaring tularan ng hinuhubog niyang alagad. Sa layuning maituwid ang mga huwad
na mangangaral sa kanilang panahon at magabayan si Timoteo sa mga kasalukuyang
isyu at pamamahala sa loob ng Iglesia sa Efeso, sa diwa ng pag-ibig, inilahad
ni Apostol Pablo ang mga pasasalamat niya sa pagiging lingkod ng Diyos sa
kabila ng mga nagaganap sa kasalukuyan.
PASASALAMAT SA KARAPATANG MAKAPAGLINGKOD (t. 12-13). Para kay Pablo,
ang karapatang maglingkod sa Diyos ay kalakasan para sa kanya, na mismong ang
Panginoong Jesus ang Siyang nagbibigay ng lakas. Kung tutuusin niya ang kanyang
nakaraan bago siya maging lingkod ng Diyos, hindi siya karapat-dapat. Ayon sa
kanya; nilapastangan, inusig at nilait niya ang Panginoong Jesus. Kaya, ang
kahabagan ng Diyos ay naranasan niya nang siya ay tawagin ng Diyos sa
paglilingkod. Ang lahat ng ginawa niyang laban sa Panginoong Jesus ay bunga ng
kanyang kawalan ng pananampalataya. Ang maging lingkod ng Diyos ay
ipinagpasalamat niya dahil sa karapatang bigay ng Panginoong Jesus. Kaya nga,
ang tagubilin niya sa mga taga-Efeso, “mamuhay
kayo gaya ng nararapat sa mga tinawag ng Diyos” (Efeso 4:1) bilang tugon at
pasasalamat sa pribilehiyong bigay ng Diyos.
PASASALAMAT SA PANANAMPALATAYA AT PAG-IBIG (t. 14-15). Ang sinasampalatayanan ni
Pablo ay ito, “Si Cristo Jesus ay
dumating sa sanlibutan upang iligtas ang mga makasalanan” at napakalaking
biyaya para sa kanya ang maligtas sa kasalanan sapagkat inamin niyang “ako ang pinakamasama sa kanila” (t. 15).
Ito ang dahilan niya sa pagsasabing pinasagana sa kanya ang kagandahang-loob ng
Diyos (t. 14). Hindi siya karapat-dapat sa kaligtasan sa kasalanan pero
ipinagkaloob pa rin sa kanya ng Diyos ang pananampalataya at pag-ibig. Ang pananampalataya
sa Panginoong Jesus ay pakikipag-isa sa Kanyang kamatayan sa krus na ayon sa
isinulat ni Pablo sa mga taga-Galacia, “si
Cristo na ang nabubuhay sa akin” (Galacia 2:20). Ito ang kanyang
pananampalataya.
PASASALAMAT SA KAHABAGAN NG DIYOS (t. 16-17). Ang kahabagan ay higit pa
sa awa o pagtulong. Na sa iyong awa ay hahakbang ka upang mabawasan ang hirap
na dinaranas at higit pa sa inaasahang tulong ang ipagkakaloob. Ito ang
naranasan ni Pablo mula sa Diyos. Siya ang pinakamasama subalit nang mga
sandaling iyon ay hinirang siya ng Diyos bilang mangangaral ng Mabuting Balita.
Mula sa masamang buhay niya ay inilipat siya ng Diyos sa buhay na maliwanag. Sa
kahabagan ng Diyos, nakita niya kung paanong nagtiyaga ang Panginoong Jesus sa
kanya. Kaya naman, sinabi niya sa mga taga-Filipos, “Ang mabuhay ay si Cristo” (Filipos 1:21). Ang naging karanasan niya
sa kahabagan ng Diyos ay huwaran sa mga mananampalataya na makikita natin sa
uri ng kanyang pamumuhay.
Kung sa
pagpapasalamat lang din naman, marami tayong maaari at dapat na ipagpasalamat
sa Diyos. Ngunit ito ang kadalasang naisasantabi ng marami. Sapagkat nasanay na
sa paulit-ulit na takbo ng buhay, lalo na ngayong panahon ng quarantine, ang pagpapasalamat sa Diyos
ay parang common na lamang at wala na
sa kalooban. Maging mapagpasalamat sa Diyos sapagkat hindi man tayo karapat-dapat
sa mga biyaya Niya, nariyan pa rin Siya, mapagbiyaya. Maging mapagpasalamat sa
Diyos sapagkat ang kaloob ng pananampalataya at pag-ibig ay ating naranasan sa
ikaliligtas natin sa kasalanan. Maging mapagpasalamat sa Diyos dahil sa
saganang habag Niya sa atin, higit pa sa inaasahan ang mga biyayang natatanggap
natin dahil sa Kanyang kagandahang-loob. Praise
the Lord!
Pastor Jhun Lopez
_________________________
Nakaraang blog: MAGKAROON KAYO NG PAG-IBIG
No comments:
Post a Comment