Search This Blog

Sunday, January 31, 2021

MAGKAROON KAYO NG PAG-IBIG

 BASAHIN: 1 Timoteo 1:1-11

Mahirap hanapin ang isang karayom sa gitna ng mga damuhan. Kailangan ang masusing paghahanap at sapat na panahon. Mas madali pa ngang tukuyin ang isang tuldok sa isang malinis na papel. Walang kahirap-hirap! Gayundin naman, kadalasan, ang higit na mahalaga ay hindi natin makita, samantalang ang maliit na tuldok na nagpadumi sa papel ay agad na naituturo. Ang unang bahagi ng sulat ni Apostol Pablo ay kaagad na nagbukas ng iba’t ibang kasamaan at kasalanan. Pero hindi ito ang sentro ng kanyang sulat kundi ang pagkakaroon ng pag-ibig sa kapwa sa kabila ng masasamang kalagayan ng mga tao.”

 


Si Timoteo ay tinawag na “tunay na anak sa pananampalataya” ni Apostol Pablo (t. 2). Ang ugnayang “discipler-disciple o mentor-mentee” ay makikita sa nilalaman ng kanyang dalawang sulat. Si Timoteo ay anak ni Eunice, na apo ni Lois, na pawang mga Judio samantalang isang Griego ang ama niya. (ikumpara ang Mga Gawa 16:1 sa 2 Timoteo 1:5). Mabuti ang patotoo ni Timoteo sa mga kapatid sa Listra at Iconio kaya isinama siya ni Pablo sa mga misyonerong paglalakbay nito (Gawa 16:1-2). Ayon sa commentary ni Adam Clarke, “from the time Timothy first joined the apostle, as his assistant, he never left him except when sent by him on some special errand.

Ang unang sulat ni Apostol Pablo kay Timoteo ay isa sa kanyang tatlong Pastoral Epistles (1 at 2 Tmoteo at Tito) na ang pangunahing tema ay pagtukoy sa mga kasalukuyang isyu at pamamahala sa loob ng Iglesia. Sa sulat na ito, nagbibigay siya ng babala tungkol sa presence ng mga huwad na guro. Na ang layunin ng mga tagubilin niya ay ito, upang magkaroon kayo ng pag-ibig na nagmumula sa pusong dalisay, malinis na budhi at tapat na pananampalataya (t. 5). Sinasabi niya kay Timoteo, kung may isyu sa iglesia, magkaroon ka ng pag-ibig. Kung may nagkalat na maling aral, panatiliin mo ang pag-ibig. Sa ganitong diwa, ano nga ba ang halaga ng pag-ibig sa loob at sa labas ng iglesia?

PAG-IBIG PARA SA MGA ITINUTUWID (t. 3-4). Bilang kinatawan ni Pablo sa Iglesia sa Efeso, mahirap ang tagubilin kay Timoteo na “utusan mo.” Ibig sabihin, sasawayin ni Timoteo ang mga nagtuturo ng maling aral at paaalalahanang ito ang pinagmumulan ng mga pagtatalo at hindi nakakatulong upang matupad ang plano ng Diyos (t. 4). Maaari niyang gamitin ang kanyang authority sa ngalan ni Pablo. Pero agad siyang binigyan ng pambalanse, “magkaroon kayo ng pag-ibig.” Anong uri ng pag-ibig ito?: Pag-ibig na (1) may pusong dalisay, (2) may malinis na budhi at (3) tapat na pananampalataya. Hindi ito pag-ibig na mahalay, marumi at lalong hindi nakabase sa sariling pamantayan. Ang gagawin niyang pagtutuwid ay nararapat bukal ng pag-ibig katulad ng pag-ibig ng Diyos – banal at makatarungan.

PAG-IBIG PARA SA MGA TUMALIKOD (t. 6-7). Ang uri ng pag-ibig na binanggit ni Apostol Pablo sa talatang 5 ay tinalikuran ng ilang mga mananampalataya. Sila ang mga Cristianong nalulong sa mga walang kabuluhang talakayan sa halip na pagtuunan ang mga tamang katuruan. Sa kanilang pagtalikod sa pag-ibig, hindi na nila nauunawaan ang kanilang sinasabi at kahit mali na ang pinanghahawakang katuruan, buo ang tiwala sa sariling tama ang dala-dalang aral. Subalit, bilang tagapangasiwa ng Iglesia tulad ni Timoteo, bilang isang Cristiano, sa kabila ng kanilang pagtalikod at marahil ay pag-abandona ng pananampalataya, higit silang dapat bigyan ng pang-unawa at hindi dapat i-condemn. Paano ito gagawin ni Timoteo? Magkaroon si Timoteo ng pag-ibig mga taong tumalikod sa pag-ibig ng Diyos.

PAG-IBIG PARA SA MGA MAKASALANAN (t. 8-11). Apat na beses binanggit ni Apostol Pablo ang salitang “Kautusan” sa sumunod na mga talata: (1) ang Kautusan ay mabuti kung ginagamit sa tamang paraan, (2) ang Kautusan ay hindi ginawa para sa mabubuting tao, kundi para sa mga makasalanan, (3) ibinigay ang Kautusan para sa mga makasalanan (4) at ang Kautusan ay ibinigay para sa lahat ng mga sumasalungat sa mabuting aral. Mula sa pinakasimpleng kasalanan tulad ng pagsisinungaling hanggang sa napakasasamang kasalanang nabanggit, ang aral ng pag-ibig na itinuturo ni Pablo ay mula sa maluwalhati at mapagpalang Diyos. Para sa ilan, madaling maging judgmental kapag alam nating masama at makasalanan ang isang tao. Subalit tandaan nating ang aral ng Diyos ay pag-ibig. Siya ay pag-ibig. At ang pag-ibig na ipinadama Niya ay walang kondisyon sa pamamagitan ng pagkapako at pagkamatay ng Panginoong Jesus sa krus ng Kalbaryo. Magkaroon ng pag-ibig maging sa makasalanan.

 

 

Ang ugnayang discipler-disciple nina Pablo ay Timoteo ay magandang halimbawa ng paggabay ng isang “ama” na sa pananampalataya sa isang nakababatang lingkod ng Diyos. Ang mga pagtuturo ni Pablo ay tuwirang pagtuturo at pagpapaunawa kung ano ang dapat gawin ni Timoteo bilang tagapangasiwa at naglilingkod sa loob at labas ng Iglesia. Iba’t ibang tao ang mae-encounter ni Timoteo, gayon din naman tayo. May mga taong maaari pang akayin palayo sa likong gawain at sa gayo’y maituwid. May kapwa mananampalataya tayong kokontra sa tamang katuruang dinadala natin sa kanila dahil sa kawalan ng pag-ibig. At ang worst, makaharap natin ang isang dating kasamahan sa church na namumuhay na sa kasalanan at nagpakasama. Ano ang gagawin natin? Ang utos, “Magkaroon kayo ng pag-ibig na nagmumula sa pusong dalisay, malinis na budhi at tapat na pananampalataya” (t.5).




Pastor Jhun Lopez



________________________________

Nakaraang blog: MAGING MATALIK NA KAIBIGAN

No comments:

Post a Comment

Featured Post

LUMALAGO SA PANANAMPALATAYA

      Alam ko ang mga ginagawa mo: ang iyong pag-ibig, katapatan, paglilingkod at pagtitiyaga. Nalalaman kong ang mga ginagawa mo ngayon ay ...