Search This Blog

Friday, February 5, 2021

ANG HIWAGA NG ATING RELIHIYON

 BASAHIN: 1 Timoteo 3:14-16

Napakayaman ng mga tagubilin ni Pablo kay Timoteo sa kalahatian ng kanyang unang sulat. Malaking tulong ito sa isang kabataang lingkod ng Diyos. Tinaggap ni Timoteo ang layunin ni Pablo na maituwid ang mga maling aral at magabayan siya sa pangangasiwa ng Iglesia. Kailangan niyang tingnan ang personal niyang pag-uugali. Kailangan niyang aralin kung paanong makapagbibigay ng kaluguran sa Diyos. Kailangan niyang maging maingat sa paghirang ng mga tagapangasiwa at mga tagapalingkod. Kailangan niyang maunawaan ang Iglesia at ang relihiyong kinaaaniban.” 

 

Sa nakaraang tatlong chapter ng unang sulat ni Pablo kay Timoteo, nakita natin ang mga tagubiling pastoral para sa isang nakababatang lingkod ng Diyos. Nagsilbing gabay ito ni Timoteo sa pagharap sa Iglesia sa Efeso. Narito ang unang limang gabay na natutuhan natin (matututuhan nang magsisimula):

  • Magkaroon ng pag-ibig sa lahat maging sa mga makasalanan (1:1-11).
  • Ipagpapasalamat sa Diyos ang pagtawag at paghirang niya sa Kanyang lingkod (1:12-16).
  • Ang pananalangin at pangangaral ng Mabuting Balita ay mabuti at nakalulugod sa Diyos (2:1-7).
  • Ang lahat ay maaaring maglingkod ayon sa tamang kalagayan ng puso (2:8-12).
  • Ang maging tagapangasiwa at tagapaglingkod ay paghahangad ng mabuting gawain (3:1-13).

Sa mga aral na tinanggap ni Timoteo, bilang lingkod ng Diyos, siya man ay naitalagang Pastor o isinugo upang katawanin si Pablo sa pamamahala ng Iglesia sa Efeso, ay magandang pasimula sa kanyang gagawing aktuwal na pangangasiwa. Sinabi ni Pablo sa 1 Timoteo 3:14, “Umaasa akong magkikita tayo sa lalong madaling panahon, ngunit isinulat ko ang mga ito.” Mula sa kinaroroonan niyang bayan ng Macedonia, inaasahan ni Pablo na personal pa niyang makakausap ang anak sa pananampalataya, na ang sulat niya ay pauna lamang sa nalalapit niyang paglalakbay patungong Efeso. Sa pagwawakas ng chapter 3, nagbigay si Pablo ng tatlong paglalarawan sa iglesia.

Ang Iglesia ay SAMBAHAYAN NG DIYOS NA BUHAY. Katulad ng isang “sambahayan,” ang Diyos ang Ama at Siyang pinuno nito. Ang mga naunang aral ay nagsisilibing gabay sa wastong pag-uugali sa loob ng sambahayan ng Diyos. Sapagkat ang Diyos ay buhay at kumikilos sa mga nananahan dito, marapat lang na ang kabilang sa tahanan ay mamuhay ayon sa umiiral na panuntunan nito. Tamang pag-uugali. Tamang kalagayan ng puso. Tamang pangunguna at paglilingkod. Tamang pamumuhay sa tahanang ang Diyos ang naghahari.

Ang Iglesia ay HALIGI AT SALIGAN NG KATOTOHANAN. Ayon kay Pablo, “Totoo ang sinasabi ko, at hindi ako nagsisinungaling!” (2:7). Si Pablo ay tinawag upang maging mangangaral ng Mabuting Balita.  Tinutupad niya ang nais ng Diyos na “Ibig niyang ang lahat ng tao ay maligtas at makaalam ng katotohanang ito” (2:4). Ang bawat napabilang sa Iglesia ay tumanggap at nanalig sa Panginoong Jesus. Sinabi ni Pablo na ang Iglesia ay haligi at saligan ng katotohahan sapagkat nasa Iglesia ang Katotohanan: ang Panginong Jesus at ang Banal na Kasulatan. Sinabi niya ito sapagkat nasa Iglesia ang mga hinirang ng Diyos upang maging mangangaral ng katotohanan.

Ang Iglesia ay RELIHIYONG MAY TAGLAY NA HIWAGA. Ang Biblia ay punung-puno ng hiwaga – mga bagay na hindi kayang ipaliwanag ng simpleng pagpapakahulugan maliban sa pag-unawa nito ayon sa pananampalataya. Ang Lumang Tipan ay naglalaman ng mga kakaiba at mga nakamamanghang mga pangyayari na magpahanggang ngayon ay palaisipan pa rin sa nakararami.

Ang buhay ng Panginoong Jesus mula sa Kanyang pagsilang hanggang sa Kanyang pag-akyat sa kanan ng Diyos Ama ay patuloy na hinahanapan ng mga sagot, sukat maisip nilang ito ay walang katotohanan. Mahiwaga ang Kanyang buhay at ministeryo. Ang naging buhay ng naunang Iglesia, sa pangunguna ng mga Apostol, ay nagpakita rin ng kahiwagaan na mababasa natin sa Aklat ng mga Gawa. Ano ang hiwaga ng ating relihiyon, “Siya'y nahayag sa anyong tao, pinatunayang matuwid ng Espiritu, at nakita ng mga anghel. Ipinangaral sa mga bansa, pinaniwalaan sa sanlibutan, at itinaas sa kaluwalhatian” (t. 16). Ang hiwaga ng ating relihiyon ay walang iba kundi ang Panginoong Jesus! Ang makilala, tanggapin at sampalatayanan Siya ay pasimula ng kapahayagan ng hiwagang ito. Siya ang sentro ng lahat ng isinulat ni Pablo kay Timoteo.

 

Marami na tayong natutuhan sa buhay Cristiano. Kung nakasabay tayo sa apat na buwang Family Altar, sagana na ang nalalaman natin. Punung-puno na tayo at ang pinakamainam na gawin ngayon ay isabuhay ito. Paano? Simulan natin sa loob ng Iglesia na kinikilala nating sambahayan ng Diyos. Humanap tayo ng mga kaparaanan kung paano magiging lingkod ng Diyos sa buhay ng mga kapatiran. Ang paglilingkod na ito ay maging matibay rin sa loob ng tahanan natin bilang pamilyang alagad na gumagawa ng mga alagad. Sikapin nating maging huwaran sa labas ng Iglesia nang maakay natin ang mga hindi mananampalataya patungo sa hiwaga ng ating relihiyon – ang Panginoong Jesu-Cristo!



Pastor Jhun Lopez



___________________________

Nakaraang blog:  MAGLINGKOD: MABUTING HANGARIN

No comments:

Post a Comment

Featured Post

NAGMAMALASAKIT SA IYO

        Ipagkatiwala ninyo sa kanya ang inyong mga alalahanin sa buhay sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo.. 1 Pedro 5:7   Pasakop tayo ...