BASAHIN: Genesis 47:1-26
“Natapos na ang mahabang mga araw sa buhay ni Jose. Sa kabila ng mga pagsubok ay ang mga tagumpay sa bawat lugar na kanyang kinalagyan. Siya ay naging Gobernador ng Egipto at nagtagumpay sa pamamahala sa panahon ng kasaganaan at maging sa panahon ng taggutom. Muli niyang nakasama ang ama at mga kapatid. Naigawad na niya ang pagpapatawad. At tinagubilinan sila kung paanong haharap at kung ano ang mga isasagot sa Faraon (basahin ang 46:31-34). Pagkatapos ng mga tagumpay sa tulong ng Diyos, si Jose ay nanatiling mabuting tao.”
Tinagubilinan
ni Jose ang ama at mga kapatid kung paano haharap sa Faraon. Sa mahabang
panahong siya ay nakatira at nakipamayan sa mga taga-Egipto, alam na niya ang
mga pamamaraan ng pakikitungo sa mga ito. Mula sa bahay ni Potifar, sa kulungan
hanggang sa palasyo, magkakaibang antas ng tao ang kanyang nakasalamuha. At sa
lahat ng mga lugar na ito ay nagtagumpay siya sapagkat ang patnubay ng Diyos ay
sumasakanya. Ang pananalig niya sa Diyos ang nagpanatili ng kanyang pamumuhay
na matuwid sa bawat taong nakakasama niya. Ang kabutihan ay makikita natin sa
tatlong bahagi ng buhay ni Jose.
PAGKALINGA SA PAMILYA (47:1-12). Isinama ni Jose ang limang kapatid sa
palasyo at ipinakilala sa Faraon. Sinabi nila ang kanilang pagiging pastol ayon
sa tagubilin ni Jose. Ibinilin ng Faraon kay Jose na ibigay ang pinakamainam na
lupain sa kanyang pamilya. At kung ang mahusay na pastol sa kanila ay gawing
pastol ng kawan ng Faraon. Pagkatapos, isinama ni Jose ang kanyang ama sa
palasyo. Binasbasan ni Jacob ang Faraon sa edad na 130. Ibinigay nga ni Jose
ang pinakamabuting lupain sa kanyang ama at mga kapatid. Mabuting anak at
kapatid si Jose na pinatunayan ng talatang 12, “Ang buong sambahayan ni Jacob hanggang sa kaliit-liitan ay kinalinga ni
Jose.”
KATAPATAN SA FARAON (47:13-20).
Tumindi ang panahon ng taggutom. Nauubos na ang pagkain sa Canaan at Egipto. “Iniipon naman ni Jose ang pinagbilhan at
dinadala sa kabang-yaman ng Faraon” (t. 14). Nang wala nang maipambili ng
pagkain ang mga tao nakipagkasundo silang ang mga alagang hayop na lang ang
ibabayad nila kay Jose para sa kanilang makakain. Matapos ang isang taon,
naubos na rin ang kanilang mga hayop. Nakiusap silang huwag hayaang mamatay sa
gutom. Sa tindi ng gutom, handa silang magpaalipin sa Faraon at ibenta ang
kanilang lupain. Sa mga kasunduang ito, si Jose ay naging tapat sa kanyang boss – ang Faraon. Ang sabi sa talatang
20, “kaya't nakuha ni Jose para sa Faraon
ang lahat ng lupain ng mga taga-Egipto.” Walang kinuhang yaman si Jose sa
lahat ng mga business transactions
niya.
MALASAKIT SA MAMAMAYAN (47:21-26). Mapagkalinga
sa pamilya. Tapat sa kanyang tungkulin. Sa huli, si Jose ay mapagmalasakit sa
mga tao. Ang kanyang pagbebenta ng pagkain ay tungkulin niyang maingatan sa 7
taong taggutom. Kailangan niyang maging matalino at mahusay sa pamamahala dahil
kung hindi, mawawalang kabuluhan ang inipon nila sa loob ng pitong taong
kasaganaan. Wala nang perang pambili ang mga tao. Naubos na ang kanilang mga
hayop. Ang lupain nila ay pag-aari na ng Faraon. Sa malasakit ni Jose, binigyan
niya sila ng binhing itatanim na ang ikalimang bahagi (20%) ay ibibigay sa
Faraon. Nagmalasakit si Jose sa mga tao at kanilang sinabi, “Napakabuti ninyo sa amin; iniligtas ninyo
kami” (t. 25).
MGA ARALIN SA PAMILYA:
(Basahin at pag-usapan.)
1.
Ang
pagkalinga sa pamilya ay una, pagkalingang sa Diyos, una nating nadama.
2.
Ang katapatan
sa tungkulin ay gawin, di man nakaharap ang nangunguna sa atin.
3.
Nakikita
ang kabutihan ng ating puso, kung may pagmamalasakit tayo.
Ang
pagiging mabuti ni Jose ay dahil lahat sa presensiya ng Diyos sa kanyang buhay.
Alalahanin nating siya ay pinapatnubayan, tinutulungan, hindi pinababayaan at
pinagtatagumpay ng Diyos. Ang matuwid na buhay niya ay nagsimula sa kanyang
pananampalataya sa Diyos. Si Jose ay naging mabuti sa pamilya, naging mabuting
katiwala ng Faraon, at naging mabuti sa taumbayan. Tayo, bilang isang pamilyang
alagad ni Cristo na gumagawa ng mga alagad, marapat ring tayo ay maging mabuti
sa ating mga pakikitungo sa kapwa lalo na sa ating sariling pamilya.
Pastor Jhun Lopez
___________________________________
Nakaraang blog: PASASALAMAT SA PAGPAPALA NG DIYOS
No comments:
Post a Comment