Search This Blog

Monday, December 21, 2020

MAPAYAPANG PAGHIMLAY

 BASAHIN: Genesis 47:27-31; 48-50 

Kahit anong pigil natin, lahat tayo ay tatanda. Kahit ayaw natin, darating tayo sa kamatayan. Ito ang naranasan nina Jacob at Jose. Sa kasaganaang naranasan ni Jacob paglipat ng Egipto, ang mga huling sandali ng buhay niya ay dumating. Sa makulay na buhay ni Jose, unti-unti niyang naranasan ang takipsilim sa buhay niya. Tayo man ay nararapat na tanggapin ang mga araw ng ating pagtanda at tayo ay maging handa sa araw na tayo ay kukunin na ng Panginoong Diyos.”


Ang pag-aaral natin sa buhay ni Jose ay pinasimulan natin sa tahanan ni Jacob hanggang sa family reunion nila sa palasyo ng Faraon sa Egipto. Sa tagubilin ng Faraon, ibinigay nga ni Jose sa kanyang ama at sa sambahayan nito ang pinakamainam at pinakamabuting lupain sa Egipto. Ang anak na inakalang patay, ang kapatid na ipinagbili, ang siyang nagligtas sa kanila sa panahon ng taggutom sa Canaan. Ang pitumpung (70) bilang ng sambahayan ni Jacob ay dumami at  yumaman sa lupain ng Egipto. Paano nagtapos ang kasaysayan ng buhay nina Jacob at Jose?


ANG MGA HULING ARAW NI JACOB (47:27-31; 48, 49). Nang maramdaman ni Jacob na malapit na siyang mamatay, sa edad na 147, tinawag niya si Jose at ibiniling siya ay ilibing sa libigan ng kanyang mga magulang – sa Canaan. Sa pamamagitan ng paglalagay ng dalawang kamay ni Jose sa pagitan ng mga hita ni Jacob, paraan ng panunumpa noon, nanumpa si Jose na kanyang gagawin ang habilin. Nagtapos ang usapan nang mag-ama sa panalangin ni Jacob. Nang mabalitaan ni Jose na may sakit ang ama, isinama niya ang mga anak niyang sina Manases at Efraim. Ibinilang ni Jacob ang magkapatid sa mga tagapagmana niya (t. 5). Binasbasan niya si Jose at ang magkapatid. Sa huli’y sinabi niya kay Jose, “Sasamahan ka ng Diyos at kayo'y ibabalik niya sa lupain ng inyong mga ninuno” (t. 21).


Ipinatawag naman ni Jacob ang mga anak at ipinatanggap ang kanyang basbas sa kanila. Inisa-isa niya ang mga detalye ng magaganap sa buhay ng labindalawa (t. 3-27). Si Jacob ay mapayapang humimlay at namatay na nagsabing, “Ngayo'y papanaw na ako upang makasama ng mga ninunong namayapa na” (t. 29).


ANG MGA HULING ARAW NI JOSE (Genesis 50). Niyakap ni Jose at hinagkan ang namatay na ama. Kasama ang buong Egipto, pitumpung araw silang nagluksa. Sinabi ni Jose sa Faraon ang ipinangakong susundin ang ama na ito ay ilibing sa libingan ng kanilang mga ninuno sa lupain ng Canaan. Pumayag ang Faraon. Maliban sa sambahayan ni Jacob, sumama sa paglilibing ang lahat ng mga kagawad ng Faraon, mga opisyales ng palasyo at mga kilalang tao sa Egipto. Ang libing ay dinaluhan ng napakaraming tao. Tinupad ni Jose ang kanyang pangako sa ama. At higit pa rito ang ginawang pagluluksa at pagpaparangal.


Pagkatapos na mailibing ang ama, nag-alala ang magkakapatid na baka sila ay gantihan ni Jose. Kaya nagsugo sila ng isang tao para sabihin kay Jose ang tagubilin ng ama na sila ay patawarin na. Ang tugon ni Jose, “Huwag kayong matakot!... Huwag kayong mag-alala.” Ang lubos na pagpapatawad ay ibinigay ni Jose sa magkakapatid at napanatag ang kanilang kalooban. Tulad ng sinabi ng amang si Jacob, nagwakas siya sa pagsasabing, “Huwag kayong mag-alala. Iingatan kayo ng Diyos at ibabalik sa lupaing ipinangako” (t. 24). Ibinilin niyang dalhin ang kanyang mga buto kapag sila ay bumalik na sa lupang pangako. At si Jose ay namatay sa edad na 110 taon.


MGA ARALIN SA PAGKAMATAY: (Basahin at pag-usapan.)

1.      Wala nang makapagpapasayang higit, sa pagtandang walang dinadalang hinanakit.

2.      Kung sa Diyos at tao ay may kapayapaan, mapayapang paghimlay ang kamatayan.


Ang bawat isa sa atin ay darating sa mga huling araw ng ating buhay. Pero bago ang araw na iyon, maraming pagsubok tayong pagdaraanan. At sa lahat nang iyan, tayo ay magtatagumpay dahil natitiyak nating sumasaatin ang presensiya ng Diyos. Siya ang ating patnubay at gabay. Tutulungan Niya tayo at hindi pababayaan. Bago dumating ang araw na iyon, ngayon pa lang, sikapin nating maging pagpapala sa mga taong nakakasalamuha natin lalo na sa ating pamilya. Unahin ang pakikipagkasundo sa pamilya; sa mga anak, sa magulang at sa mga kapatid.


Pastor Jhun Lopez



_____________________________

Nakaraang blog: ANG MAGING MABUTI SA LAHAT NG  TAO

No comments:

Post a Comment

Featured Post

MAKABULUHAN AT MAPAKINABANG NA BUHAY CRISTIANO

          Kung ang mga katangiang ito ay taglay ninyo at pinagyayaman, ang inyong pagkakilala sa Panginoong Jesu-Cristo ay hindi mawawalan n...