BASAHIN: 2 Pedro 1:1-11
Sabihin,
“Sa movies, ang
isa sa mga inaasahan sa mga kasunod na kabanata (sequel) ay mas magandang mga eksena. Ito rin marahil ang inaasahan
sa ikalawang sulat ni Pedro sa mga Cristianong nakikipamayan sa mga bayan ng Asia Minor. Ang sulat na ito ay may
malaking pagkakaiba sa naunang sulat. Ayon kay Charles Swindoll, isang writer theologian, ito ang ‘the most intense epistle’ sa New Testament. Layunin ni Pedro ang
pagpapaala-ala (stir up); gisingin
ang puso’t diwa ng mga sinusulatan niya at humakbang ang mga ito sa pagbabago
(1:12 at 3:1). Ang sulat ay naglalaman ng mga paalaala, mga babala at mga
pangako patungo sa pagiging masigasig ng mga mananampalataya.”
Ang
ikalawang sulat ni Apostol Pedro ay nagpasimula sa pagtatatag ng confidence sa mga mambabasa, sa
pagsasabing, “tulad namin” (as ours)
at sa pagdalanging maranasan nila ang kagandahang-loob at kapayapaang (grace and peace) mula sa Diyos (t. 1-2).
Sa layuning magpaalaala, nagbigay siya ng mga pamamaraan kung paanong magiging
masigasig ang mga mananampalataya sa kanilang paglilingkod. Paano tayo magiging
masigasig sa paglilingkod?
Una, masigasig na maglingkod, MAY KALOOB ANG PANGINOON
(t. 3-4). Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos, tinanggap ng bawat
mananampalataya ang lahat ng bagay na makapagtuturo tungo sa pagiging
maka-Diyos. Ang Salita ng Diyos ay punung-puno ng mga aral na aakay sa atin sa
pamumuhay na matuwid. Dahil sa pagkakilala natin sa Panginoong Jesus nakabahagi
tayo sa Kanyang kaluwalhatian at kadakilaan. Katulad ng liwanag ng ilaw ng
Panginoong Jesus, bawat isa sa atin ay tinatawag na ilaw ng sanlibutan.
Binigyan Niya tayo ng mga pangako upang makaiwas tayo sa masamang nasa ng
sanlibutan. Ang mga pangakong ito ay kasunod ng mga utos na gabay natin sa paglayo
sa masama at sa pamumuhay tulad ni Cristo. Magiging masigasig tayo sa
paglilingkod kung nalalaman natin ang mga katotohanang ito. Ikalawa, masigasig na maglingkod, MAY KABULUHAN
ANG PANANAMPALATAYA. Dahil sa kaloob ng Panginoon, sinabi ni Apostol Pedro
ang daan patungo sa ganap na pag-ibig. Magkakasunod niyang binanggit ang mga
katangiang magtatapos sa pag-ibig: kabutihan> kaalaman> pagpipigil sa
sarili> katatagan> maka-Diyos> pagmamalasakit sa kapatid> pag-ibig.
Mahalagang angkin natin ang mga katangiang nabanggit upang hindi mawalan ng
kabuluhan at pakinabang ang ating pananampalataya. Hindi tayo parang mga bulag
na nakalimot sa ginawang paglilinis ng ating mga kasalanan. Ito ang mga
katangiang dapat nating pagsikapan nang sa gayon ay maging masigasig tayo sa
paglilingkod. Ikatlo, masigasig na
maglingkod, PATUNAY NG ATING PANANAMPALATAYA. Hindi lang basta
maging masigasig, lalong maging masigasig! Kung masigasig na ngayon, dagdagan
pa ang ginagawang kasipagan. Sapagkat ito ang patunay na tayo ay kabilang sa
mga tinawag at pinili ng Diyos. Ito ang ebidensiya. Hindi kayang sukatin kung
nasaan na tayo sa pananampalataya. Ang makatapos ng mga aralin o ng isang kurso
ay hindi garantiya na tayo nga ay lumalago sa buhay Cristiano. Ang masigasig na
paglilingkod ang nagpapatunay sa mga tao na tayo nga ay mananampalataya ng
Panginoong Jesu-Cristo. Hindi tayo matitisod at tiyak ang pagpasok sa walang
hanggang kaharian ng Panginoon.
Kung
hinihimok tayong maging masigasig, ibig sabihin, maaari tayong manghina sa
paglilingkod. Kaya naman may mga naglilingkod na parang pagod na at gusto nang
mag-quit. Itinagubilin ito sa atin
upang maging babala at paalaala kasama ang pangakong tayo ay “papapasukin sa walang hanggang kaharian ng
ating Panginoon” (t. 11). Maging masigasig tayo sa paglilingkod!
Pastor Jhun Lopez
______________________________
Nakaraang blog: MAPAYAPANG PAGHIMLAY
No comments:
Post a Comment