Search This Blog

Thursday, February 13, 2020

KAPANGYARIHAN NG KARUNUNGAN


Sa karunungan ay natatayo ang bahay;
at sa pamamagitan ng unawa ay natatatag.
At sa pamamagitan ng kaalaman ay napupuno ang mga silid, ng lahat na mahalaga at maligayang mga kayamanan. Ang pantas na tao ay malakas; Oo, ang taong maalam ay lumalago ang kapangyarihan.
Kawikaan 24:3-5

KARUNUNGAN. Pangunahin sa ating paniniwala na pasimula ng karunungan ang malalim na paggalang at pagsunod sa Diyos. Ito’y hindi pagiging higit sa Diyos na marunong at nakaaalam ng lahat. Ito’y karunungang dulot ay kapangyarihan sapagkat Diyos ang pinagmulan. Bilang mga Cristiano, layon nating lagi ay ang karunungang mula sa Kanya at hindi ang dunong lamang ng sanlibutang ito.

NAGTATAYO NG BAHAY. Una sa nakikinabang ng karunungang mula sa Diyos ay ang mga tahanan. Ang sambahayang tumatatag ay hindi lamang na-kasalalay sa husay at talino ng mga magulang o maging ng mga anak nito. Natatayo, tumitibay at umuunlad ang isang pamilya dahil sa Diyos na kinikilala nilang gumagawa sa araw-araw na karanasan ng bawat miembro ng pamilya.

NAPUPUNO ANG MGA SILID. Sa praktikal na isipan, kaya pinag-aaral ng mga magulang ang mga anak ay upang sa kinabukasan ay maiahon ang pamilya sa kahirapan. Para sa marami, mas may naabot na pinag-aralan, mas may patutunguhan ang buhay. Subalit alam naman nating hindi lahat ay nauuwi sa ganoon. Mas makatitiyak tayo sa saganang biyaya kung sa natapos na pag-aaral, ang pangunahin ay ang pagsunod sa Diyos. “Maligaya at masaganang kayamanan” ang dala ng taong may karunungang ang pamantayan ay ang paggalang sa Diyos.

LUMALAGO ANG KAPANGYARIHAN. Sa isang banda ay tama nga. Makapangyarihan ang may angking karunungan. Pero mayroong makapangyarihang mas nanaisin nating sana ay mahina na lang siya.  Naaabuso. Sapagkat ang kapangyarihan niya ay hindi mula sa karunungang makadiyos.  Kaya nga, nasain natin ang paggalang at pagsunod sa Diyos, nang sa gayo’y ating matanggap ang karunungang magdudulot ng kapangyarihan sa buhay.


Pastor Jhun Lopez


______________________________

Nakaraang blog: SUSI SA TAGUMPAY


No comments:

Post a Comment

Featured Post

PATULOY TAYONG LUMAGO

    Sa halip, patuloy kayong lumago sa kagandahang-loob ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo, at sa pagkakilala sa kanya. S...