Search This Blog

Tuesday, July 2, 2019

PAMUMUNGA SA TAKDANG PANAHON

“Katulad niya'y punongkahoy sa tabi ng isang batisan,
    laging sariwa ang dahon at namumunga sa takdang panahon.
Ano man ang kanyang gawin, siya'y nagtatagumpay. ” 
Awit 1:3

PUNONGKAHOY SA TABI NG ISANG BATISAN. Ang isang taong hindi umaayon sa masama, sa halip ay sumusunod sa Salita ng Diyos ay itinulad sa isang punong nakatanim sa tabi ng batis. Inaasahan sa isang mananampalataya ni Cristo ang paninindigan sa Banal na Kasulatan. Ang patuluyan at pananatili sa pakikipag-ugnay sa Diyos sa pagbubulay-bulay ng Kanyang Salita ang “Batis’ na siyang source ng kalakasan at mabungang buhay Cristiano.

LAGING SARIWA ANG DAHON. Luntian at sariwa. Ganyan ang punong nasa tabing batisan. Gayon din ang mananampalatayang lagi sa presensiya ng Diyos sa pamamagitan ng araw-araw na personal devotion. Ang tinatawag na quiet time ay nagiging panahon ng pagtahimik at pakikinig sa sasabihin ng Diyos. Katulad ni Moises na sa kanyang pagbaba sa bundok, ang kaluwalhatian ng Diyos ay nakita sa kanyang mukha. Ang taong palagiang dumudulog sa Salita ng Diyos ay makakakitaan ng pagpapala tulad ng dahong laging sariwa.

NAMUMUNGA SA TAKDANG PANAHON. Patuluyang tubig mula sa batis. Ang mga ugat ay nakakonekta sa sustansiyang kailangan sa paglago. Ang bunga ay hitik at inaani sa takdang panahon. Ang taong may palagiang koneksyon sa Salita ng Diyos ay higit na nagagawang maipamuhay ang sinasabi nito. Ang pag-iwas sa anumang gawa ng sanlibutan ay mas naiiwasan sa gabay ng Biblia. Ang kalayaang sumunod sa kalooban ng Diyos ay nagagawa dahil sa pagtuturo ng Banal na Espiritu. At ang pagsunod kay Jesus bilang Panginoon ay buhay na patotoo.

NAGTATAGUMPAY SA ANUMANG GAWAIN. Sariwa ang mga dahon. Nasa takdang panahon kung mamunga. Anuman ang kanyang ginagawa ay nagtatagumpay dahil sa palagiang pagbubulay-bulay ng Salita ng Diyos. Ang kanyang saligan sa matuwid at matatag na buhay Cristiano ay ang Banal na Kasulatan.


Pastor Jhun Lopez


___________________________________
Nakaraang blog: ANG BUKIRIN NG DIYOS

No comments:

Post a Comment

Featured Post

LUMALAGO SA PANANAMPALATAYA

      Alam ko ang mga ginagawa mo: ang iyong pag-ibig, katapatan, paglilingkod at pagtitiyaga. Nalalaman kong ang mga ginagawa mo ngayon ay ...