Search This Blog

Tuesday, April 2, 2019

NAIS NI JESUS MAGING ALAGAD KA NIYA

“Kaya't humayo kayo, gawin ninyong alagad ko ang mga tao sa lahat ng mga bansa. Bautismuhan ninyo sila sa  pangalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo. Turuan ninyo silang sumunod sa lahat ng iniutos ko sa inyo. .”
Mateo 28:19,20a

NAIS NI JESUS, GAWIN KANG ALAGAD NIYA. Ang maging kaanib tayo ng isang Iglesia ay isa sa mga mabubuting pagkilos na magagawa ng isang tao. Subalit higit pa rito, ang layunin ng tagubilin ni Jesus sa Kanyang mga alagad bago Siya umakyat sa kanan ng Diyos Ama ay ang paghayo ng mga ito at pangunahing gawing alagad din ni Jesus ang mga taong ito. Mga taong susunod ng buong puso, isip at kaluluwa sa Panginoong Jesus. Ito ang nais Niya na tayo ay maging. Mga alagad ni Jesus!

MGA ALAGAD NA NABAUTISMUHAN. Nalalaman nating ang bautismo ay tanda ng pagiging kaanib ng isang tao sa Iglesia. Ito ay paghahayag sa harap ng mga kapatiran na siya ay sumasampalataya sa Panginoon. Higit pa rito, ang sinasabi ng Panginoon ay hindi lamang sa panlabas na pagkilos kundi ang malalim na pagpapasakop sa presensiya ng Diyos; sa ngalan ng Ama, at ng Anak at ng Espiritu Santo. Isang pagtitiyak na ang Diyos ay tunay na nasa tumatanggap nito. Nais ng Panginoong Jesus na tayo ay mga alagad Niyang nakakakitaan ng buhay na nagpapasakop sa presensiya at kalooban ng Diyos.

MGA ALAGAD NA BUKAS SA PAGTUTURO. Hahayo ang mga alagad ni Jesus. Gagawa sila ng alagad.  Hihikayatin nilang magpasakop ang mga ito sa Diyos sa pamamagitan ng bautismo. Ano ang kasunod? “Turuan ninyo silang sumunod.” Malinaw pa sa tubig. Ang dumadaan sa proseso ng pagiging alagad at nagsisimulang magpasakop sa Diyos ay kailangang turuang sumunod. Dahil sa totoo lang, isa sa mahirap gawin ay pagsunod. Ito ang halaga na ang bawat isa sa atin ay maglakbay sa proseso ng pagiging alagad. Nais ng Panginoong Jesus, tayo ay mga alagad na nais magpaturo at nakahandang matuto.

TAYO AY MGA ALAGAD NI JESUS. Ito ang buhay na nais Niya para sa bawat isa sa atin. Tara na sa paglalakbay!

Pastor Jhun Lopez


________________________________


No comments:

Post a Comment

Featured Post

LUMALAGO SA PANANAMPALATAYA

      Alam ko ang mga ginagawa mo: ang iyong pag-ibig, katapatan, paglilingkod at pagtitiyaga. Nalalaman kong ang mga ginagawa mo ngayon ay ...