Search This Blog

Thursday, March 7, 2019

PAGDIRIWANG NG PAGHAHAYAG NG DIYOS

“Bumangon ka, Jerusalem, at sumikat na tulad ng araw. Liliwanagan ka ng kaluwalhatian ni Yahweh… ikaw ay liliwanagan ni Yahweh, at mapupuspos ka ng kanyang kaluwalhatian. Ang mga bansa ay lalapit sa iyong liwanag, ang mga hari ay pupunta sa ningning ng iyong pagsikat.”  ::Isaias 60:1-3

BUMANGON KA. Ang Jerusalem ay pinababangon ng Diyos mula sa pagkalugmok nito sa tuwirang pagtalikod sa Kanya. Sa pagkakataong ito, muli silang ibinabalik sa liwanag ng kaluwalhatian ng Panginoong Diyos. Marahil may mga madilim na bahagi sa taong 2018 ang di na natin nais balikan. Ngunit sa pag-iiwan natin o sa paglimot ng mga ito, nangangailangan ng pagbangon at di manatili sa pagkakadapa. Magliwanag ang buhay natin sa harap ng mga tao sa taong 2019.

MAPUPUSPOS KA. Ang presensiya ng Diyos ay muling mararanasan ng mga Israelita. Ang pangako ng Kanyang kaluwalhatian ang pupuno sa puso at kaluluwa ng bawat isa sa kanila. Ang Iglesia at bawat mananampalataya ay mananagana; sa pisikal lalong higit sa kanilang relasyon sa Diyos. Ang kaluwalhatian ng Diyos, ang Kanyang liwanag ang magsisilbing gabay sa maayos at matuwid na pamumuhay. Dahil sa ganang sarili natin, hindi natin magagawa ang liwanag na Diyos ang Siyang magbibigay.

LALAPIT SA LIWANAG. Napakagandang pangako ng Diyos sa bayang Jerusalem! Lalapit ang mga hari, ang mga bayan, ang mga lalaki at mga babae mula sa malalayong lugar dahil sa liwanag na makikita sa kanila. Ang pamumuhay Cristiano ay hindi lamang para sa ikabubuti ng sarili natin. O kaya’y uri ng paglilingkod sa Diyos. Higit pa rito, ang maging alagad na sumusunod sa Panginoong Jesus ay may layuning mailapit ang mga tao sa Kanya. Ito ang nararapat na nagaganap sa Iglesia at sa buhay ng bawat Cristiano.

IPAGDIWANG ANG PAGHAHAYAG NG DIYOS. Ang taong 2018 ay lumipas na. Naging pagpapala ito sa marami. Ngayong 2019, ang paghahayag ng Diyos sa buhay ng Iglesia at ng bawat isa ay maipagdiwang. Mabiyayang bagong taon sa lahat!

Pastor Jhun Lopez


___________________________


1 comment:

Featured Post

PATULOY TAYONG LUMAGO

    Sa halip, patuloy kayong lumago sa kagandahang-loob ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo, at sa pagkakilala sa kanya. S...