Hindi ko sinasabi ito dahil sa kayo'y pinaghahanapan ko ng tulong. Natutunan ko nang masiyahan, maging anuman ang aking kalagayan…. Ang lahat ng ito'y magagawa ko dahil sa lakas na kaloob sa akin ni Cristo .”
Filipos 4:11,13
NATUTUNAN KO NANG MASIYAHAN. Si Pablo ay kasalakuyang nakabilanggo habang isinusulat niya ang liham sa mga taga-Filipos. Ang isa sa mga layunin ng liham ay ang pasasalamat sa mga tulong na ipinadadala nila sa kanya. Pinalalakas niya ang loob ng mga ito, na sa kabila ng kanyang pagkakabilanggo, hinihimok pa rin niya silang “magalak” sa anumang sitwasyon. Kaya nga, sa talata, binigyang-diin niya ang pagiging masaya anuman ang kanyang kalagayan.
Ang maging kontento ay isa sa mahirap isagawa lalo na sa panahon ngayon na tila ang lahat ay nakikipaghabulan sa pag-unlad ng buhay. Ang kasiyahan ay nakasalalay sa nakikita at nararanasan. Subalit ang hamon sa atin, kahit anong kalagayan, matutuhan nating masiyahan.
LAHAT NG ITO’Y MAGAGAWA KO. Sa talatang 12, sinabi ni Pablo ang mga naranasan niya. Siya ay naghikahos at nanagana. Siya ay nabusog at nagutom. Sa karanasan niya, maaari siyang maging masaya sa isa at maging malungkot naman sa kabilang panig. Subalit ayon sa kanya, “natutuhan ko na ang sikreto kung paano masiyahan sa anumang kalagayan sa buhay.” At isinunod sa talatang 13 ang isa sa mga paboritong talata ng marami, “Ang lahat ng ito’y magagawa ko…” Hindi dahil sa sarili niyang kakayahan. Hindi dahil sa kanyang karanasang mapagtagumpayan ang lahat. Kundi malinaw niyang sinasabi sa mga taga-Filipos, “dahil sa lakas na kaloob sa akin ni Cristo.”
Ang kakuntentuhan sa anumang kalagayan sa buhay ay hindi pinag-aaralan. Hindi lamang sa mga karanasan. Ang sikreto ni Pablo ay inihayag, “dahil sa lakas na kaloob ni Cristo.” Dahil dito nakakaya niyang masiyahan sa anumang kalagayan.
Manampalataya sa Panginoong Jesus na sa ating paglalakbay, Siya ay may lakas na ibibigay sa atin. Kaya ‘yan!
Pastor Jhun Lopez
__________________________________
Nakaraang blog: IGLESIANG HUWARAN
No comments:
Post a Comment