Search This Blog

Thursday, December 6, 2018

PAGHAYO AT PAGGAWA NG MGA ALAGAD

Kaya't humayo kayo,
gawin ninyong alagad ko ang mga tao sa lahat ng mga bansa.
Bautismuhan ninyo sila sa pangalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo.
Mateo 28:19

HUMAYO KAYO. Tatlong taong kasa-kasama ng Panginoong Jesus ang Kanyang mga alagad. Upclose and personal ang ginawa Niyang paghubog sa labindalawa at sa iba pang tagasunod Niya. Ang mga aral Niya ay malapitan nilang narinig. Saksi sila sa mga himalang ginawa Niya. Personal nilang naranasan ang mga ito. Ang buhay ng Panginoong Jesus ay huwaran sa kanilang lahat. Sa Kanyang paglisan, ang atas Niya, “Humayo kayo.”

GAWIN NINYONG ALAGAD KO. Ang pagtawag sa mga alagad ng Panginoong Jesus ay hindi nagtatapos sa Kanyang pag-akyat sa langit. Sa halip, ang pananagutang ipagpatuloy ang paggawa ng mga alagad Niya ay iniatang sa kanila. Iniatas Niya sa kanila ang paghayo sa mga hindi pa sumusunod sa Kanya. Ang paghayong ito ay pagdadala ng Magandang Balita upang ang mga tao ay mahikayat, hindi lamang sa relihiyon, kundi sa pagiging alagad!

MGA TAO SA LAHAT NG MGA BANSA. Ang paghayo ng mga alagad ay may layuning gumawa ng mga alagad ni Jesus sa lahat ng mga bansa. Ang pagiging alagad ay binuksan ng Panginoong Jesus sa lahat ng mga taong maaabot ng Magandang Balita. Mga taong magsusuko ng buhay sa Kanya at magtatalaga bilang alagad. Mga taong handang iwanan ang kanilang mga “lambat” alang-alang sa pamamalakaya ng mga tao tulad ng pagsunod nina Juan, Santiago, Andres at Simon Pedro.

MGA ALAGAD SA ATING PANAHON.  Ninanasa nating tayong lahat ay maging alagad na tumutulad sa Panginoong Jesus (Christlikeness). Sa pamamagitan ng Oikos Kaanib (small group ministry), ang bawat miembro ay may masasamahang mga kapatran na magsisilbing kasama nila sa paglalakbay tungo sa pagiging alagad. Ang IEMELIF Discipleship Journey (equipping track) naman ay mga araling daraanan ng bawat kaanib na makatutulong sa paghubog ng kanilang buhay bilang mga alagad. Hahayo tayo at gagawa ng mga alagad. Sisimulan natin sa ating mga sarili.

Pastor Jhun Lopez


________________________


No comments:

Post a Comment

Featured Post

PATULOY TAYONG LUMAGO

    Sa halip, patuloy kayong lumago sa kagandahang-loob ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo, at sa pagkakilala sa kanya. S...