Search This Blog

Sunday, November 25, 2018

DUMALOY ANG KATARUNGAN TULAD NG ISANG ILOG

Sa halip ay padaluyin ninyo ang katarungan,
gaya ng isang ilog; gayundin ang katuwiran
tulad ng isang di natutuyong batis.
Amos 5:24

PADALUYIN ANG KATARUNGAN.Katarungan para kay Ka Dencio!” Sino’ng Dencio? Ito’y linya sa isang pelikula na kung saan ay ipinaglalaban ang pagkamatay ng isang trabahador sa pabrika. Ang katulad nang sigaw na ito ay maaaring isinisigaw din ngayon ng mga mahal sa buhay ng mga Mayor na magkakasunod na pinaslang. Katarungan! Ito ang nais ng Diyos na maganap sa buhay ng mga Israelita. Sa panahon ni Propeta Amos, lumaganap ang katiwalian at pang-aapi sa mga mahihirap sa mismong bayan ng Diyos. Gayundin, ang pagsamba nila sa mga diyus-diyosan ay naging dahilan upang maranasan ng mga Israelita ang parusa ng Diyos.

PADALUYIN ANG KATUWIRAN. Ang pagkakaroon ng katarungan ay magbubunga ng kapayapaan at kapanatagan sa buong bayan. Ang kawalan nito’y tiyak na magdudulot ng kasamaan. Ang katuwiran sa uri ng pamumuhay ay makikita kung may patas na pagtingin sa lahat. Ang pantay-pantay na pagpapatupad ng batas ay higit na magdadala sa mabuting pag-uugali at tamang pakikitungo sa kapwa. Higit pa rito, ang katuwiran ng Diyos ay mangingibabaw sa pag-uugnayan ng mga tao sa dahilang ang katarungan ay naibibigay sa lahat.

TULAD NG ILOG… TULAD NG BATIS. Ang katarungan ay hindi lamang para sa mga taong gustong mabigyan ng pabor. Ito ay nararapat na umagos tulad ng ilog. Ibig sabihin, ang katarungan ay dapat na umiral nang patuluyan. Isang malayang pagdaloy at hindi napipigilan. Bilang mga Cristiano, pananagutan nating pairalin ang katarungan sa gitna ng mga kapatiran. Ang katuwiran naman ay tulad ng isang batis na patuloy sa pagbibigay ng mainam na tubig. Ito ay mga pag-uugaling nagdadala ng kalakasan at kaginhawaan lalo na sa mga kapatirang nauuhaw at nanghihina.

KATARUNGAN AT KATUWIRAN. Sama-sama tayo. Pagtulungan nating pairalin ang dalawang katangiang ito sa loob at labas ng Iglesia.

Pastor Jhun Lopez


__________________________
Nakaraang blog: HATE EVIL, LOVE GOOD



No comments:

Post a Comment

Featured Post

PATULOY TAYONG LUMAGO

    Sa halip, patuloy kayong lumago sa kagandahang-loob ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo, at sa pagkakilala sa kanya. S...