Sumagot sila, "Tungkol kay Jesus na taga-Nazaret,
isang propetang makapangyarihan sa salita
at gawa maging sa harap ng Diyos at ng mga tao.
Lucas 24:19
JESUS—PROPETA. Isa sa ministeryo ng Panginoong Jesus sa Kanyang pagparito sa lupa ay ang pagiging Propeta. Ang propeta ay nagpapahayag ng mga katotohanan o kaalaman tungkol sa kanyang kinakatawan. Ang Panginoong Jesus bilang Propeta ay nagsalita para sa Diyos Ama. Makikita natin sa Biblia kung paano Niyang ipinangaral ang mga bagay tungkol sa Diyos at sa kaharian ng langit. Walang pasubali na ang Kanyang inihayag ay mula sa Diyos. Maliban sa Kanyang ministeryo bilang Saserdote at Hari, ang Panginoong Jesus ay naparito upang ihayag ang katotohanan tungkol sa Diyos.
JESUS—MAKAPANGYARIHAN SA SALITA AT GAWA. Ang kapangyarihan ng pagsasalita ng Panginoong Jesus ay naranasan ng dalawang lalaking naglalakad sa daan patungong Emaus ayon sa kanilang pahayag. Ang Panginoong Jesus ay nagsalita sa kalagayan ng kabanalan. Ang pangangaral Niya ay hindi lamang tungkol sa paggawa ng mabuti. Karamihan sa Kanyang pagtuturo ay nagtutuwid sa gawaing masama ng mga tao. Pagsisi sa kasalanan. Pakikibaka sa kasamaan. Ang Panginoong Jesus bilang Propeta ay nagsalita laban sa gawaing masama. Mapapansin ang pagkumpara Niya sa masama at mabuti katulad ng Talinhaga ng Talento; may mabuting alipin at masamang alipin. Pananalitang tumitimo sa puso ng mga tagapakinig.
SA HARAP NG DIYOS AT NG MGA TAO. Ang kapangyarihan ng pagsasalita at paggawa ng Panginoong Jesus ay namalas ng mga tao. Bukod pa sa maliwanag na pagpapasakop Niya sa kalooban ng Diyos Ama, Siya ay nagpahayag na may kapangyarihan dahil sa kabanalang ipinakita Niya sa mga alagad at maging sa harap ng mga nag-aabang na Siya ay ibagsak. Ang salita Niya ay pinagtibay ng Kanyang gawa!
Pastor Jhun Lopez
_________________________
Nakaraang blog: ANG DIYOS AY PAG-IBIG
No comments:
Post a Comment