Search This Blog

Tuesday, July 31, 2018

KILOS NA PAG-IBIG!


Ito ang aking utos: magmahalan kayo gaya ng pagmamahal ko sa inyo.
Walang pag-ibig na hihigit pa kaysa pag-ibig
ng isang taong nag-aalay ng kanyang buhay para sa kanyang mga kaibigan. 
Juan 15:13

MAGMAHALAN KAYO. Isa sa mga utos na madaling sabihin ngunit mahirap gawin. Natitiyak kong alam na alam ng bawat isa ang utos na ito. Sa isip. Sa salita. Pero sa gawa? Marahil minsan, pero kadalasa’y bagsak ang marami dito. Subalit bilang mga mananampalatayang Cristiano, ito ay dapat na isapuso at maging pangunahin sa uri ng ating pamumuhay. Ito ay utos ng Panginoon na dapat lang nating sundin. Ang pag-iibigan sa gitna ng samahang Cristiano ay hindi isang salita lamang. Ito’y pagkilos na dapat maipakita at maibahagi sa mga mananampalataya man o hindi.

GAYA NG PAGMAMAHAL NI JESUS. Hindi naituturo ang pag-ibig sa pamamagitan ng isang classroom. Higit itong natutuhan sa pamamagitan ng nakikitang halilmbawa. Ang nakikita ng mga mata at nadarama ng puso ay nakatutulong upang maunawaan ng tao ang salitang pag-ibig. Ang pagkamatay ni Jesus sa krus ay demonstrasyon nito. Pagpapatawad. Pagliligtas. Pag-ibig na walang kondisyon. Ito ang uri ng pag-ibig na nais ng Panginoong Jesus na ating ikilos. Gaya ng Kanyang pagmamahal, kilos na pag-ibig!

WALANG PAG-IBIG NA HIHIGIT SA PAG-IBIG NI JESUS.  Ang ginawang pag-aalay ng buhay ni Jesus sa krus alang-alang sa kasalanan ng buong sanlibutan ay pinakadakilang pag-ibig sa lahat. Ibinigay ng Diyos Ama ang bugtong Niyang Anak dahil sa Kanyang pag-ibig sa atin (cf. Juan 3:16). Ang pag-ibig na ito ang dahilan kung bakit patuloy na ipinagsasabi sa mga tao ang Mabuting Balita ng pagliligtas ng Panginoong Jesus. Sapagkat nais ng Diyos na ang lahat ng mga tao’y sumampalataya sa Kanya at sa gayo’y maranasan ang kaligtasan, marapat lamang na tayo’y kumilos sa  pag-ibig!
Pastor Jhun Lopez


_____________________________
Nakraang blog: BUHAY NA GANAP


No comments:

Post a Comment

Featured Post

PATULOY TAYONG LUMAGO

    Sa halip, patuloy kayong lumago sa kagandahang-loob ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo, at sa pagkakilala sa kanya. S...