Ito ang aking utos: magmahalan kayo gaya ng pagmamahal ko sa inyo.
Walang pag-ibig na hihigit pa kaysa pag-ibig
ng isang taong nag-aalay ng kanyang buhay
para sa kanyang mga kaibigan.
Juan 15:13
MAHAL NI JESUS ANG KANYANG MGA ALAGAD. Hindi iniutos ni Jesus sa mga alagad ang gawaing hindi Niya ginagawa. Nalalaman at naranasan ng mga alagad Niya ang pag-ibig na walang kondisyon. Mula sa kanilang pagkatawag hanggang sa mga huling sandali ng kanilang pagsasama-sama, ang dalisay na pagmamahal ay ipinadama sa kanila ng Panginoong Jesus. Nakita ng mga alagad ang pag-ibig ng kanilang Panginoon sa iba’t ibang pagkakataon: habang nagtuturo, nagpagaling ng mga maysakit, nagpalayas ng demonyo, bumuhay ng patay, pinatigil ang unos, nagpakain ng 5,000 at marami pang iba. At higit sa mga ito, ang pagkalinga ng Panginoon ay kanilang naranasan saanmang dako sila nagpunta.
INIALAY NI JESUS ANG KANYANG BUHAY. Noo’y hindi pa lubos na nauunawaan ng mga alagad ang pag-aalay ng buhay ng kanilang Panginoon. Wala pa sa kanilang kaisipan ang magaganap na kamatayan sa krus. Subalit naniniwala akong sa humigit-kumulang na tatlong taon na sila’y magkakasama ay naging sapat upang kanilang makita ang pag-ibig ng kanilang Panginoon. Na ang pinakalundo ng pag-ibig na ito ay pag-aalay ng buhay ng Panginoong Jesus sa krus ng kalbaryo.
“GAYA NG PAGMAMAHAL KO.” Ang bagong utos na ibinigay ng Panginoong Jesus ay bago sa mga alagad sapagkat ang mga panahong iyon ay puno ng kasakiman at karahasan. Hindi natin mahihigitan ang Kanyang pagmamahal, pero nakatitiyak tayong kaya natin itong pantayan. Pagmamahal na may pagsasakripisyo. Pagmamahal na walang kondisyon. Lubos itong naunawaan ng mga alagad nang makita nila ang pinagdaanan ng Panginoong Jesus sa landas ng krus. Isang pagmamahal na marapat lang gayahin!
Pastor Jhun Lopez
______________________
Nakaraang blog: KILOS NA PAG-IBIG!
No comments:
Post a Comment