Search This Blog

Friday, July 27, 2018

BUHAY NA GANAP

Sumagot si Jesus, "Kung ibig mong maging ganap, ipagbili mo ang lahat ng iyong ari-arian at ipamahagi sa mga mahihirap ang pinagbilhan. At magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod ka sa akin."
Mateo 19:21


KUNG IBIG MONG MAGING GANAP. Perpekto. Sakdal. Buhay na “ganap at kasiya-siya” (Jn. 10:10). Marahil walang hindi maghahangad na maging ganap ang kanyang sariling buhay. Walang pagkukulang. Walang pagkakamali. Ang lahat ay nasa tamang ayos at kalagayan. Subalit nalalaman nating walang makararating sa ganap o perpektong buhay sa sanlibutang ating ginagalawan. Napakadali para sa isang tao ang mahulog sa pagkakasala. Pero maliwanag ang tanong ng Panginoong Jesus, “Kung ibig mong maging ganap…” Ibig sabihin, may paraan tungo sa buhay na ganap!

IPAGBILI AT IPAMAHAGI. May pagmamalaking inangkin ng mayamang lalaki na ang kautusan ay kanya nang natupad. Ngunit ang pagsunod sa kautusan ay unang hakbang pa lang. Nalalaman ng Panginoong Jesus ang hadlang sa buhay ng lalaki—kayamanan! Ang bahagi ng kanyang buhay na hindi makayang bitiwan. Hindi madali para sa lalaking ipagbili at ipamahagi sa mahihirap ang kayamanang pinaghirapan. Ngunit ang pagiging ganap ay “pag-iipon ng kayamanan sa langit” hindi sa sanlibutang ito (cf. Mateo 6:19-20).

BUMALIK KA AT SUMUNOD KA SA AKIN. Hindi natin alam, pero dalawang pagtugon ang pwedeng ginawa ng lalaki pagkatapos niyang umalis; nanatili sa kanyang yaman at hindi na bumalik o ipinamahagi ang sariling yaman at nagbalik sa Panginoong Jesus. Sapagkat nagsisimula ang ganap na buhay sa nasain ng puso ng isang tao. Kasunod ang pagbitiw sa kinikilalang “kayamanan” sa buhay. At kung wala nang hawak ang mga “kamay”, ang buhay na ganap ay mararanasan ng taong magtatalaga sa pagsunod sa Panginong Jesus.  Tandaan natin: Ganap ang buhay dahil sa Panginoong Jesu-Cristo!

Pastor Jhun Lopez


____________________________
Nakaraang Blog: NAKIKITANG PAGKAKAISA


No comments:

Post a Comment

Featured Post

LUMALAGO SA PANANAMPALATAYA

      Alam ko ang mga ginagawa mo: ang iyong pag-ibig, katapatan, paglilingkod at pagtitiyaga. Nalalaman kong ang mga ginagawa mo ngayon ay ...