Kung ipahahayag ng iyong labi na si Jesus ay Panginoon
at buong puso kang sasampalataya na siya'y muling binuhay ng Diyos, maliligtas ka. :: Roma 10:9
Sa panahon ng mga giyagis, lumalabas sa labi ang nilalaman ng ating mga puso. Ang bigat na dinadala ay tila hindi maiwasang ibahagi sa iba. Naniniwala akong ang mga problema ay hindi dumarating para lamang tayo pahirapan. Ito ay daan din naman upang makamtan ng isang tao ang kaligtasang mula sa Diyos. Mga pagkakataong higit na nakikita ng isang tao ang pangangailangan niya sa Diyos. Ang Mabuting Balita ng Biblia ay maluwag na tinatanggap.
Bilang mga Cristiano, mga taong tumanggap na ng kaligtasan mula sa Diyos, hindi pa rin tayo exempted sa mga giyagis. Lahat tayo ay dumaraan sa pagsubok, minsa’y pa nga’y matinding pagsubok. Sa halip na bumigkas ng mga salitang hindi nakalulugod, ang pag-awit ng papuri ay siyang dapat nating ginagawa. Ang mga awiting makalangit, tulad ng mga nasasaad sa Imnario, ay nagbibigay ng kalakasan sa sinumang umaawit nito. At higit dito’y nalulugod ang Diyos sa ating pag-awit. Umawit sa panahon ng mga giyagis.
Magpasalamat tayo sa Diyos, lalo na sa panahon ng mga giyagis, dahil kasama Siyang gumagawa sa ikabubuti ng bawat nagmamahal sa Kanya (Roma 8:28). Magpasalamat tayong lagi, kahit tila madilim ang sitwasyon, sapagkat ito ang kalooban ng Diyos (1 Tesalonica 5:18). Nagpapasalamat ako sa Diyos sa mga handog pasalamat ng mga kapatiran para sa mga Manggagawang Pastor (kasama ang iba pang naglilingkod sa Iglesia). Maraming salamat sa pagtangkilik at pagkakaloob para sa kanilang mga pangangailangan. Pagpalain kayong lagi ng Diyos!
Pastor Jhun Lopez
_______________________
Nakaraang blog: BIYAYA NIYA'Y BILANGIN
No comments:
Post a Comment