Search This Blog

Wednesday, June 27, 2018

KATIWALA NG MGA ESPIRITUWAL NA BAGAY

Pag-ingatan ninyo na huwag makiapid ang sinuman sa inyo, o magpawalang halaga sa mga bagay na espiritual, tulad ni Esau – ipinagpalit niya sa isang pinggang pagkain ang kaniyang karapatan bilang panganay. ::Hebreo 12:16-17


PAG-INGATAN. Huwag makiapid. Maliwanag pa sa sikat ng araw na ang gawaing ito ay mali. Maaaring nagagawa ng iba o kaya’y piniling mamuhay sa ganitong uri, ngunit ang katotohanan ay labag pa rin sa utos ng Diyos. Ito ang higit nating nakikita. Ang hindi napapansin ay ang pagpapawalang halaga  ng mga mananampalataya ni Cristo sa mga bagay na espirituwal. Kung dapat tayong mag-ingat sa pakikiapid dapat rin tayong mag-ingat sa kawalan ng pagpapahalaga sa mga gawaing espiritual tulad ng Worship Service, Prayer Meeting, Sunday School, Bible Study at iba pang katulad nito. 

IPINAGPALIT. Ang kuwento ng kambal na sina Esau at Jacob. Ang pagpapala (blessing) ng amang si Isaac ay karapatang para kay Esau bilang panganay. Subalit sa kagutuman ni Esau, nakipagkasundo siya kay Jacob, na kung pakakainin siya ng niluto nito’y ibibigay sa kapatid ang karapatang tanggapin ang pagpapala ng ama. Ipinagpalit niya ang napakamahalaga sa isang pinggang pagkain! Naniniwala tayong mahalaga ang mga gawaing espirituwal. Ngunit marami, kung hindi man lahat, sa mga mananampalataya ang ipinagpapalit ang napakamahalagang mga bagay sa mga bagay at gawaing makasanlibutan. Inuuna ang mga pansariling kapakanan bago ang mga pananagutang ipinagkatiwala ng Diyos sa ating mga kamay.

SAMBAHAYANG KATIWALA. Ang bawat sambahayan Cristiano ay pinagkalooban ng Diyos ng mga biyayang materiyal, lalong higit ng mga espirituwal na bagay. Ang mga pagpapalang pinansiyal o materyal ng isang sambahayan ay kaloob na may lakip na pananagutang ito ay pag-ingatan at pagyamanin. Maging mabuting katiwala. Lalo na sa mga kaloob na espirituwal katulad ng pagtuturo, pangunguna, at marami pang iba. Ang lahat ng angking kakayahan, kung ito'y kinikilalang galing sa Diyos Ama, bawat sambahayan Cristiano ay magiging huwaran sa pagpapahalaga sa mga bagay at gawaing espirituwal. Sama-sama ang buong pamilya sa paglilingkod sa Diyos!

Pastor Jhun Lopez


_________________________
Nakaraang blog: ITINUTUWID ANG LANDAS


No comments:

Post a Comment

Featured Post

LUMALAGO SA PANANAMPALATAYA

      Alam ko ang mga ginagawa mo: ang iyong pag-ibig, katapatan, paglilingkod at pagtitiyaga. Nalalaman kong ang mga ginagawa mo ngayon ay ...