Nagpapatuloy nga ako patungo sa hangganan
upang makamtan ang gantimpala ng pagkatawag
sa akin ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo Jesus,
ang buhay na hahantong sa langit. ::Filipos 3:14
PATUNGO SA HANGGANAN. Itinakda sa tao ang hangganan ng buhay. Nalalaman ito ni Pablo at tiyak na alam nating isang araw ay matatapos ang buhay. Ang tanong, “Anong wakas ang hahantungan natin?”
NAGPAPATULOY. Maraming pagsubok sa buhay. Bahagi ito ng pagsasanay tungo sa matatag na pamumuhay. Maaaring ito'y kayang-kaya dalhin at malampasan ng ilan. Subalit hindi maikakaila na may mga problemang nagpapalugmok sa atin. Si Apostol Pablo, sa kabila ng kanyang sitwasyong nalalapit na kamatayan, ay nagsabing siya ay nagpapatuloy. Hindi sa lahat ng panahon ay naging maganda ang kanyang mga paglalakbay. Pinakamalala na marahil ang pagkabingit niya sa kamatayan (basahin ang 2 Corinto 11:16-31 para sa mga tiniis ni Pablo). Gayunpaman, siya ay nagpatuloy!
MAKAMTAN ANG GANTIMPALA. Ang dahilan ng marami sa kanyang ginagawa ay magkamit ng gantimpala. Na tila ang buhay ay isang kompetisyon. Para saan? Para sa mga bagay na pansamantala. Alalahanin nating matatapos ang lahat at tanging ang mga bagay na walang hanggan ang mananatili. Ang gantimpalang inaasam ni Apostol Pablo ay ang buhay na hahantong sa langit. Ito ang paghandaan natin at patuloy na nasain, hanggang sa huling hininga ng buhay. Hanggang sa makita natin nang mukhaan ang Panginong Jesu-Cristo! Nakahanda hanggang sa kawakasan ng buhay!
Pastor Jhun Lopez
_________________________
Nakaraang blog: KATIWALA NG MGA ESPIRITUWAL NA BAGAY
No comments:
Post a Comment