ISANG KUWENTO NG PAG-IBIG. Nagmamadali sa pagtakbo si Andres. Dala ang sariwang puso ng kanyang ina. Ito kasi ang hiniling ng nililigawan—kunin ang puso ng ina bilang patunay ng kanyang pag-ibig. Ginawa niya ito kahit labag sa loob makuha lang niya ang matamis na “Oo” ng minamahal. Lakad-takbo. Duguan ang kamay. Kinakabahan. Natatakot sa ginawang kasalanan. “Thug!” Nadapa si Andres. Tumilapon ang puso ng ina. Nang akmang aabutin na niya ito, gumalaw ang puso at nagwika, “Nasaktan ka ba, anak!” Kay-gandang paglalarawan ng pag-ibig ng isang ina!
UNA TAYONG INIBIG NG DIYOS. Higit ang pag-ibig ng Diyos sa lahat. Walang makahihigit at walang makatutulad. “Ipinadama ng Diyos ang Kanyang pag-ibig sa atin, nang mamatay si Cristo para sa atin noong tayo’y makasalanan pa” (Roma 5:8). Isang pag-ibig na unang ipinadama bago pa man tayo umibig sa Kanya. Bago pa man natin natutuhang umibig sa Diyos at sa ating kapwa. Ang pag-ibig ng Diyos na ito ang umuukilkil sa kaloob-looban ng puso ng tao nang sa gayo’y mabigyan ng pagkakataong magpasyang manampalataya kay Jesus bilang Panginoon at Tagapagligtas ng angking buhay.
SA PAGMAMAHAL NG DIYOS. Tayo’y dapat lumalim at magkaroon ng matibay ng pagkaunawa sa dakilang pagmamahal ng Diyos sa atin. Sa pagmamahal ng Diyos… ang kasalanan ay nagkaroon ng katubusan… ang kaligtasan ay nakalaan na sa sinumang sasampalataya kay Jesus. Sa pagmamahal ng Diyos… binibigyan Niya tayo ng pagkakataong mahalin rin naman ang ating kapwa tulad ng pag-ibig na Kanyang ipinadama sa bawat isa. Sa pagmamahal ng Diyos… tayo’y magsama-sama sa Iglesiang ito na may pagmamalasakitan. At pagtulungan nating abutin ang mga hindi pa mananampalataya… sa pagmamahal ng Diyos!
*Ang blog post na ito ay hango sa Pastoral Letter ni Rev. Oscar P. Lopez Jr. sa Sangandaan IEMELIF Church noong Pebrero 2007
No comments:
Post a Comment