Search This Blog

Saturday, June 4, 2016

MAPALAD ANG MGA NAGDADALAMHATI*

"Mapalad ang mga nagdadalamhati,
sapagkat aaliwin sila ng Diyos.”
Mateo 5:4

MAPALAD. Umaasa akong malinaw na sa atin ang salitang “mapalad.” Na sa sermon ng Panginoong Jesus sa bundok, ang pagiging mapalad ay Kanyang binigyang-liwanag. Sapagkat isa sa mga ipinarito Niya ay ang pagbibigay ng “ganap at kasiya-siyang buhay” para sa Kanyang mga tupa (cf. Juan 10:10). Nais Niya na ang bawat taong susunod sa Kanya ay makaranas ng buhay na masaya, maligaya, may galak… mapalad! At ito ang layunin ng mapalad-serye natin.

MAPALAD ANG MGA NAGDADALAMHATI. Masaya ang malungkot? Sa isang banda, napalaking kabalintunaan nga naman na ang isang taong nasa panahon ng pagdadalamhati ay sasabihang “mapalad.” Sa ating kultura nga’y laging bati sa kanila’y “kalamayin mo ang loob mo.” Na sa totoo lang, mahirap aliwin ang sarili kung may mabigat kang pinagdaraanan. Subalit malinaw pa sa sikat ng araw ang sinabi ng Panginoong Jesus, “Mapalad ang mga nagdadalamhati.” Imposible! Pero teka, kung ito ang sinabi Niya, POSIBLE! Posibleng maging masaya ang isang taong may pinagdaraanan. Pwedeng magdala ng sigla sa puso ang isang tao sa kabila ng mga dagok ng buhay. Una, sapagkat ito ang sinabi ng Panginoong Jesus. At bilang isang mananampalataya, walang pag-aalinlangang paniwalaan ang mga kataga Niyang ito!

AALIWIN TAYO NG DIYOS. Ito ngayon ang ating panghawakan. Ang bawat taong nagdadalamhati ay nagiging mapalad hindi dahil sa ganang sarili niya kundi dahil sa kaaliwang dulot ng Diyos. Magalak tayo sa gitna ng mga bagyo dahil nalalaman nating sasamahan tayo ng Diyos. Na Siya ay laging nariyan upang magbigay ng kaaliwan sa nabibigatan nating mga balikat. Bilang mga anak Niya, ang pangakong “hindi kita iiwan ni pababayaan man” ay Kanyang ipararanas sa mga mananampalatayang nasa panahon ng matinding kalungkutan. Tandaan nating ang Diyos ay Siyang Diyos ng lahat ng kaaliwan. Kung kaya’t kahit gaano pa kasimple o kagrabe ang dalahin natin, magdiwang pa rin ang ating mga puso sapagkat ang kaaliwang mula sa Diyos ay paparating.


#pastorJHUN

No comments:

Post a Comment

Featured Post

LUMALAGO SA PANANAMPALATAYA

      Alam ko ang mga ginagawa mo: ang iyong pag-ibig, katapatan, paglilingkod at pagtitiyaga. Nalalaman kong ang mga ginagawa mo ngayon ay ...