Search This Blog

Wednesday, June 22, 2016

MAPALAD ANG MGA MAPAGPAKUMBABA*

"Mapalad ang mga mapagpakumbaba, sapagkat mamanahin nila ang daigdig.”
Mateo 5:5

MAPALAD KA NGA BA? Sa hirap ng buhay ngayon, marami ang nagsasabing, “malas ang buhay!” Hindi dahil sa matinding kahirapan kundi sa dahilang wala siya sa mayamang estado ng buhay. O kaya’y magpahanggang ngayon ay hindi naaabot ang matagal na niyang pinapangarap. Subalit dapat nating tandaan na ang masayang buhay ay hindi lamang nakadepende sa taas ng narating o sa laki ng hawak ng mga kamay. Maaaring maging masaya, mapalad, sa kabila ng mga sitwasyong nagpapababa ng ating kalagayan.

MAPALAD ANG MGA MAPAGPAKUMBABA. Ang pagiging mapalad ng taong mapagpakumbaba ay hindi ang mababang kalagayan. Kahit anong antas ang naabot sa buhay, ang hindi pagtingin ng kababaan ng iba ay nananatiling pag-uugali. Tayo’y may kani-kaniyang mga talento at mga kakayahan. Kung gagamitin ng tama, aasenso ang buhay. Makakarating sa itaas. Lalampasan ang iba. Sa ganitong kalagayan makikita ang pagpapakumbaba. Kinikilala ang angking talino, yaman, o kasikatan. Ngunit nananatili sa pagtinging kapantay lamang niya ang iba. Hindi niya ginagamit ang kataasan para maging higit sa iba. Sa halip, nagsisikap na bumaba sa kalagayan ng iba upang sila rin naman ay maiangat sa kinalalagyang buhay. Ang pagiging mapagpakumbaba ay nagdudulot ng kasiyahan dahil sa tamang pagtingin sa kapwa.


MAGPAKUMBABA NA. Napakaganda ng pangako sa mga mapagpakumbaba, “Mamanahin nila ang daigdig.” Sa biglaang reaksyon, mas maganda yatang manahin ay langit hindi daigdig. Ang pagpapakumbaba ay isa sa mga katangian ng Panginoong Jesus. Ang sabi sa Filipos 2:8, “nagpakumbaba siya at naging masunurin hanggang kamatayan.” Ang Kanyang pagpapakumbaba ay nagsilbing daan upang maligtas ang mga taong sa Kanya’y sasampalataya. Langit ang pakinabang ng sinumang lalapit sa Kanya na may pagpapakumbaba. Paano mamanahin ang daigdig? Ang mapagpakumbaba ay magmamana hindi lamang ng langit kundi maging ang kasalukuyang daigdig. Sasakanya ang mga bagay na kakailanganin sa buhay na ito at sa kanyang makadiyos na pamumuhay. Ang anumang kaloob sa kanya ng Diyos dito sa daigdig ay magdudulot ng kaligayahan sa kanyang pamumuhay. Magpakumbaba na tayo!

#pastorJHUN

No comments:

Post a Comment

Featured Post

LUMALAGO SA PANANAMPALATAYA

      Alam ko ang mga ginagawa mo: ang iyong pag-ibig, katapatan, paglilingkod at pagtitiyaga. Nalalaman kong ang mga ginagawa mo ngayon ay ...