Search This Blog

Monday, January 11, 2016

IPAMUHAY ANG IYONG BAGONG BUHAY

"At kayo'y nangagbihis ng bagong pagkatao, na nagbabago sa kaalaman ayon sa larawan niyaong lumalang sa kaniya."
Colosas 3:10

HUBARIN NA ANG DATING PAGKATAO! Naniniwala tayo sa nasasaad sa 2 Corinto 5:17 na tayo ay isa nang bagong nilalang, wala na ang dating pagkatao, at lahat ay bago na. Ito rin ang binibigyang-diin ni Apostol Pablo sa mga taga-Colosas; ang dating pagkatao ay nararapat nang patayin, mawala, iwasan, itakwil at layuan! Bakit? Sapagkat nakita niya na marami sa mga mananampalataya sa kanyang panahon ang nananatili sa mga kasalanan ng laman (t. 5), mga kasalanan ng damdamin (t. 8a) at mga kasalanan ng dila (t.8b-9). At ito rin ang malamang na nararanasan ng marami sa mga Cristiano sa ating panahon. Nananatili sa pamumuhay sa kanyang dating pagkatao! Ano ang dapat gawin? Hubarin na at huwag nang muling isuot. Hindi tamang magbalik ang isang tumalikod na sa kanyang dating pagkatao.


IBIHIS NA ANG BAGONG PAGKATAO! Bago na tayo. Bago na ang bihis natin. Bago na ang kilos, damdamin, isipan at maging ang pananalita. Sa ayaw at gusto natin, ang bunga ng pakikipag-isa natin sa Panginoong Jesus ay pagbabago ng buhay. Marahil sasabihin nating, "alam ko naman 'yan." Subalit ang malaking tanong, "Ipinamumuhay mo ba ito?" Ibihis na natin ang mga nabanggit na katangian ng bagong buhay: pusong mahabagin, kagandahang-loob, kababaan, kaamuan, pagpapahinuhod, pagtitiisan sa isa't isa, pagpapatawad sa isa't isa at pag-ibig (t. 12-14). Marahil hindi madali, subalit simulan lang nating bantayan ang mga kilos at pananalita natin. Palagiang paalalahanan ang sarili na ikaw ay isang nang bagong nilalang! Simulan mo nang magbihis at ipamuhay ang bagong buhay!


SI CRISTO ANG ATING BUHAY! Balikan natin ang mga talata. Sabi sa talatang 3, "Sapagka't kayo'y nangamatay na, at ang inyong buhay ay natatagong kasama ni Cristo sa Dios." At nagpatuloy si Pablo sa pagsasabing, "Si Cristo ang ating buhay!" Mahirap hubarin ang dati nating pagkatao. Lalo't nakatandaan na natin ang mga pag-uugali o mga gawing naging panuntunan ng ating mga buhay. Mahirap para sa ating mga sarili. Madali lamang kung hahayaan nating ang buhay natin kay Cristo ang siyang umiral. Mahirap ibihis ang bagong buhay. Hindi ganoon kadaling magbago ng landas. Mahabang proseso ng pakikibaka sa mga gawi ng sanlibutan tungo sa pagbabago ng buhay. Pero sa lahat ng pagbabagong ito, lagi nating tatandaan na ang buhay natin ngayon, bilang mga taong nagpapahayag na tayo'y tagasunod ng Panginoong Jesus, ay nakapailalim sa buhay na ibinibigay ng Diyos sa atin araw-araw. Hindi natin kaya. Pero kaya ng Paginoong sumasaatin sa lahat ng dako at panahon.!


#pastorJHUN


No comments:

Post a Comment

Featured Post

LUMALAGO SA PANANAMPALATAYA

      Alam ko ang mga ginagawa mo: ang iyong pag-ibig, katapatan, paglilingkod at pagtitiyaga. Nalalaman kong ang mga ginagawa mo ngayon ay ...