"Maging katulad siya ng Anak ng Tao na naparito, hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at magbigay ng kaniyang buhay na pantubos sa marami." Mateo 20:28
Maligayang Pasko sa lahat! Isa sa mga dahilan ng pagparito ng Panginoong Jesus ay ang maglingkod sa sangkatauhan. Paglilingkod na dapat lamang nating tularan.
NAPARITO HINDI UPANG PAGLINGKURAN. Nais ng Panginoong Jesus na tayo'y maglingkod sa Kanya. Subalit, katulad ng karanasan nina Maria at Marta, higit na kinilala ng Panginoon ang ginawang pakikinig sa Kanyang paanan kaysa kaabalahan upang Siya'y mapaglingkuran. Sapagkat maliwanag ang layunin ng Panginoon, ang maglingkod sa mga tao. Hindi upang mapaglingkuran. Ang pagiging alagad ni Jesus ay pagtulad sa Kanya. Marahil tayo ay napaglilingkuran ng mga tao subalit lagi nating isapuso na hindi iyon ang buhay ng isang alagad. Baka mapasarap tayo sa paglilingkod ng iba at isang araw ay nabubuhay ka nang parang hari.
NAPARITO UPANG MAGLINGKOD. Ang tatlong taong ministeryo ng Panginoong Jesus na natala sa Biblia ay punung-puno ng paglilingkod. Nagturo Siya sa libu-libong mga tao at maging sa mga indibidwal katulad ni Nicodemus. Nagpakain Siya ng higit pa sa 5,000 mga tao at kasama Siyang nakikain sa hapag ng iba't ibang uri ng mga tao. Nagpagaling ng napakarami at iba't ibang uri ng sakit hanggang sa pagbuhay ng mga patay. At sa lundo ng Kanyang paglilingkod, binata Niya ang hirap at sakit ng daan patungo sa Bundok ng mga Bungo hanggang sa Kanyang kamatayan sa krus. Napakadakilang paglilingkod!
NAPARITO UPANG MAGBIGAY NG BUHAY NA PANTUBOS SA MARAMI. Wala nang dadakila pa sa paglilingkod ng Panginoon! Ibinigay Niya ang sariling buhay para sa buong sanlibutan. Namatay Siya sa krus sa ikaliligtas ng mga taong sasampalataya sa Kanya. Inialay Niya ang sariling buhay sa katubusan ng kasalanan ng mga taong magtatalaga ng pagsunod sa Kanya. Ginawa Niya ang hindi kayang gawin ng sinumang tao. Naglingkod Siya hanggang kamatayan! Ito ang pagiging alagad: Maglingkod na may pagsasakripisyo! Tamang masaya ang buhay Cristiano, ngunit dapat nating malamang ang pagsunod sa Panginoon ay nangangahulugan ng paglilingkod, sukat ialay natin ang ating buhay para sa Diyos at sa kapwa.
Maligayang paglilingkod kapwa ko mga alagad ni Cristo!
Pastor Jhun Lopez
No comments:
Post a Comment