Search This Blog

Saturday, July 18, 2015

HUWARANG INA

Iginagalang siya ng kanyang mga anak at pinupuri ng kanyang kabiyak: "Maraming babae na mabuting asawa,
ngunit sa kanila'y nakahihigit ka."
Kawikaan 31:28-29


ANG HUWARANG INA. Sa likod ng tagumpay ng isang tao ay naroon ang kanyang ina. Sa kabilang dako, sa likod ng pagkabigo ng isang tao ay naroon ang kanyang ina. Malaki ang bahagi ng isang ina sa paroroonan ng kanyang anak sa hinaharap. Ang bawat kilos at salita ng ina ay nagsisilbing panoorin para sa kanyang mga anak. Kaya nga, napakahalaga ng halimbawang napupulot ng anak sa kanyang sariling ina.

IGINAGALANG NG KANYANG MGA ANAK. Ang paggalang ay hindi nababayaran, ito ay inaani. Maaaring ipilit ng isang ina ang paggalang ng mga anak sa pagsasabing, “Igalang n’yo ako, nanay n’yo ako.” Maaaring igalang ka lamang dahil sa takot o kaya’y dahil lang sa iyong posisyon. Naniniwala akong ang pagiging huwaran—mabuting halimbawa—ng isang ina ay malaking dahilan kung bakit ang mga anak ay nagpapakita ng pagrespeto sa kanyang nanay. Sa isang banda, paano nga namang igagalang ng isang anak ang nanay na mismong sarili ay hindi kayang igalang?

PINUPURI NG KABIYAK. Walang ibang makapagpapatunay, maliban pa sa anak, ng pagiging mabuting ina ng isang babae kundi ang kanyang asawa. Mula sa pagdadalang-tao hanggang sa pagpapalaki ng kanilang mga anak, si Tatay ang saksi sa lahat. Nakita niya kung paano nagsasakripisyo ang asawa sa loob ng tahanan. Namalas niya kung paanong ginampanan ng babaeng kanyang minamahal ang pagiging ina, kasabay ng pagiging mabuting asawa para sa kanya. Kaya nga, hindi maiiwasang lumabas sa kanyang bibig ang mga salitang nagpapalakas at nag-aangat sa kalagayan ng asawa. Papuri at hindi pagtuligsa sa asawa dahil naniniwala siya na ang babaeng nagluwal ng kanilang mga anak ay tunay na huwarang ina! Dapat igalang! Dapat tularan! Dapat parangalan!

Pastor Jhun Lopez


No comments:

Post a Comment

Featured Post

LUMALAGO SA PANANAMPALATAYA

      Alam ko ang mga ginagawa mo: ang iyong pag-ibig, katapatan, paglilingkod at pagtitiyaga. Nalalaman kong ang mga ginagawa mo ngayon ay ...