Search This Blog

Tuesday, August 4, 2015

PABORITONG ANAK

Mas mahal ni Israel si Jose kaysa ibang mga anak, sapagkat matanda na siya nang ito'y isinilang. Iginawa niya ito ng damit na mahaba at may manggas. . :: Genesis 37:3

MAS MAHAL KAYSA IBANG ANAK. Isa marahil sa iniiwasan ng isang ama ay ang magkaroon siya ng tinatawag na paborito sa mga anak. Alam natin ang negatibong idinudulot nito sa loob ng tahanan kapag ang isang magulang ay nagpakita ng higit na pagtingin sa isa sa kanyang mga anak. Ngunit aminin man natin o sa hindi, marami sa mga tatay ang hindi makaiwas dito. Lumalabas pa rin na isa o ilan sa mga anak ay kanyang paborito. Ito ang naranasan ni Israel o mas kilala natin sa pangalang Jacob.

SAPAGKAT MATANDA NA SIYA NANG ITO’Y ISILANG. Dapat nating malaman na ang pagbibigay ng pabor sa anak ay karapatan at nasa pagpapasya ng isang magulang. Para kay Jacob, ang malamang na ang pangunahin niyang dahilan ay ang  kanyang edad nang isilang si Jose. Maliban pa sa katotohanang mahal niya ang nanay ni Jose na si Raquel. Ang mga kapatid ni Jose ay higit na nakatatanda sa kanya. May dahilan si Jacob sa pagbibigay ng higit na pabor. Mas kailangan ni Jose ang pagmamahal ng amang noo’y nasa katandaan na. Tandaan: Hindi dapat ibinibigay ang higit na pabor sa isang anak kung wala tayong malalim na batayan.

IGINAWA NG DAMIT.  Si Jose ay pinagkalooban ng damit na mahaba na may manggas. Isang damit na makulay at mamahalin. Damit na katumbas ng kasuotan ng isang prinsipe. Ang pagmamahal ni Jacob ay hindi nanggagaling sa kabutihan o “paglalambing” ni Jose sa kanya bilang anak. Ang dahilan niya ay mula sa kanyang puso. Hindi niya ipinagawa ng damit si Jose dahil may ginawa itong maganda sa kanya. Hindi niya ito pabuya bagkus ito ay tanda ng kanyang pagmamahal sa anak! Tandaan: Ang pagbibigay ng pabor sa anak ay hindi lamang sa dahilang may ginawang mabuti ito sa iyo kundi sa dahilang mahal mo ang iyong anak.

Pastor Jhun Lopez


No comments:

Post a Comment

Featured Post

PATULOY TAYONG LUMAGO

    Sa halip, patuloy kayong lumago sa kagandahang-loob ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo, at sa pagkakilala sa kanya. S...