Sikapin ninyong mapanatili ang pagkakaisa
na kaloob ng Espiritu,
sa pamamagitan ng kapayapaang nagbubuklod sa inyo.
Efeso 4:3
MAPANATILI ANG PAGKAKAISA. Tinawag tayo sa pagkakaisa at hindi sa pagkabaha-bahagi. Tayo’y “may iisang katawan at iisang Espiritu.” Tayo’y “may iisang pag-asa.” Tayo'y “may iisang Panginoon,… pananampalataya,... bautismo,... Diyos at Ama nating lahat.” Walang dahilan para magkawatak-watak ang Iglesiang naniniwalang tinawag sa pagkakaisa. Bawat isa sa atin ay may pananagutang panatiliin ang pagkakaisang tinanggap natin mula sa Diyos.
PAGKAKAISANG KALOOB NG ESPIRITU. Naniniwala si Apostol Pablo na ang pagkakaisang ito ay kaloob ng Espiritu Santo. Sa binanggit niya sa mga taga-Efeso (4:4-6), malinaw nating makikita ang matibay na dahilan ng pagkakaisa ng mga mananampalataya. Hindi ito mula sa angking kakayahan na magkaisa. Dahil sadyang mahirap magkaisa ang mga taong sadyang magkakaiba-iba. Maaari lamang magkaisa ang Iglesia kung ang kaloob ng Espiritu sa pagkakaisa ay kanya nang tinanggap sa pamamagitan ng pananampalataya.
PAGKAKAISANG BUKLOD NG KAPAYAPAAN. Ang bansang walang pagkakaisa ay nakikibaka sa kapayapaan. Tiyak na may mga lugar ng kaguluhan o paglalaban. Mababanaag ang kapayapaan sa Iglesiang nagkakaisa. Ito ang patunay ng pagkakaisa, nabubuklod ng kapayapaan ang mga kapatiran. May mga pagtatalo, subalit sa huli’y nagkakaisa sa iisang layunin at mga balakin. Magkaiba man ang isip at damdamin, nananatili sa pagkakasundo at pag-ibig. Nakikita ng mga tao; sa loob at labas ng kapilya, ang pagkakaisa ng Iglesia.
Pastor Jhun Lopez
No comments:
Post a Comment