Ang lahat ng ito'y magagawa ko
dahil sa lakas na kaloob sa akin ni Cristo.
Filipos 4:13
MAGAGAWA KO. “I can.” Napakahalaga ng dalawang salitang ito sa paglilingkod ng isang mananampalataya. Marami ang ayaw o hindi nagbibigay ng panahon at lakas sa mga gawaing paglilingkod sa loob ng Iglesia dahil sa tugon na, “baka hindi ko magampanan.” O kaya’y diretsang sinasabing, “hindi ko kaya.” Ang matapat na paglilingkod ay nagsisimula sa paniniwalang “magagawa ko.” Kakayanin ko. Sisikapin ko ang aking buong makakaya.
MAGAGAWA KO ANG LAHAT. Maaaring may exaggeration ang dating ng pangungusap ni Pablo, subalit maliwanag sa kanya na ang mga binanggit niya sa naunang talata ay magagawa niya. Na “ang mabusog o ang magutom, ang managana o ang maghirap” ay kaya niyang dalhin. Ang paglilingkod ni Pablo ay patuloy sa anumang sitwasyon ng buhay. Ang matapat na paglilingkod ay hindi nakadepende sa kalagayan. Parang panunumpa ng isang ikinakasal, “sa karamdaman o kalusugan, sa hirap at ginhawa.” Magagawa ko ang maglingkod!
SA LAKAS NA KALOOB SA AKIN NI CRISTO. Kaya ko! Magagawa ko! Dahil kay Cristo! Ito ang sikreto ni Pablo sa matapat na paglilingkod. Ang paglilingkod ay hindi nakadepende sa kakayahan. Ang paglilngkod ay hindi nakatingin sa angking talento o karunungan. Ang matapat na paglilingkod ay nakaugat sa katotohanang magagawa ang lahat dahil sa lakas na kaloob ng Panginoong Jesus. Sa katotohanang ito, ang sinumang naglilingkod sa loob ng Iglesia; nasa pamunuan man o hindi, ay makapaglilingkod na may katapatan.
Pastor Jhun Lopez
No comments:
Post a Comment