Search This Blog

Thursday, August 21, 2014

PANGINOONG NAGKAKALOOB

Ang lugar na iyo'y tinawag ni Abraham na,
"Ang  Panginoon ang Nagkakaloob."
At magpahanggang ngayon, sinasabi ng mga tao:
"Sa bundok ni Yahweh ay may nakalaan."
Genesis 22:14

ANG PANGINOON ANG NAGKAKALOOB. Sa bawat umaga, tayo ay nagigising taglay ang buhay na bigay ng Diyos. Karamihan sa atin ay kumakain ng tatlong beses sa isang  araw o kaya’y higit pa. Nakapagsusuot ng maayos na damit. Hindi man kalakihan, bawat isa ay may tahanang nasisilungan. Ang mga Ito ay pangunahing kailangan natin. Mga pangangailangang natitiyak kong ipinagkakaloob ng Panginoon.

SA BUNDOK NI YAHWEH AY MAY NAKALAAN. Marahil, sa kalagayan ng iba sa atin, marami pa rin ang mga pangangailangan. Buwanang bayarin sa kuryente at ilaw. Libu-libong tuition fees kung ikaw ay nagpapaaral ng anak sa kolehiyo o kaya'y sa private Elementary o High School. Pambayad sa doctor at pambili ng gamot ng mga may karamdaman. At marami pang listahan ng mga gastusing hindi maubus-ubos. Tanong ng marami, “Ang Panginoon nga ba ay nagkakaloob?” Ang tanging tugon, "Opo!" Laging may nakalaan ang Diyos sa sinumang “aakyat sa Kanyang bundok.” May tugon ang Diyos sa mga taong lumalapit at sumusunod sa Kanya. Isang positibong tugon sa ating pangangailangan.

MAGTIWALA SA KALOOB NG DIYOS. Tandaan: Ang Panginoon ay nagkakaloob sa sinumang magtitiwala sa Kanya na Siya'y Diyos na nagkakaloob. Si Abraham ay nagtiwala. Kahit ang hiningi ng Diyos na gawin niya ay mahirap para sa isang ama-ihandog ang sariling anak. Si Isaac ang katuparan ng mga pangako ng Diyos para kay Abraham. Subalit handa siyang isakripisyo ang pag-asa ng kanyang lah alang-alang sa pagsunod. Naniniwala si Abraham na ang pangako ng Diyos ay matutupad. Ang pag-asa niya ay nakatuon sa Diyos at hindi lamang sa mga bagay o tao sa kanyang paligid. Magtiwalang Diyos ay nagkakaloob!

 Pastor Jhun Lopez


Sunday, August 17, 2014

TOP 10: LOVE QUOTES FROM THE BIBLE

Juan 3:16
Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan, kaya't ibinigay niya ang kanyang kaisa-isang Anak, upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.

Roma 5:8
Ngunit ipinadama ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin nang mamatay si Cristo para sa atin noong tayo'y makasalanan pa.

Galacia 2:20
Hindi na ako ang nabubuhay ngayon kundi si Cristo na ang nabubuhay sa akin. At habang ako'y nabubuhay pa sa katawang-lupa, mamumuhay ako sa panGanalig sa Anak ng Diyos na umibig sa akin at naghandog ng kanyang buhay para sa akin.

1 Corinto 13:13
Kaya't ang tatlong ito'y nananatili: ang pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig, ngunit ang pinakadakila sa mga ito ay ang pag-ibig.

Juan 14:21
Ang tumatanggap sa mga utos ko at tumutupad nito ang siyang umiibig sa akin. Ang umiibig sa akin ay iibigin ng aking Ama; iibigin ko rin siya at ako'y lubusang magpapakilala sa kanya.

Kawikaan 17:17
Ang kaibigan ay nagmamahal sa lahat ng panahon,
at sa oras ng kagipita'y kapatid na tumutulong.


Mateo 22:37
Sumagot si Jesus, "Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buong pag-iisip.

1 Juan 4:7-8
Mga minamahal, mag-ibigan tayo sapagkat mula sa Diyos ang pag-ibig. Ang bawat umiibig ay anak ng Diyos at kumikilala sa Diyos. Ang hindi umiibig ay hindi kumikilala sa Diyos, sapagkat ang Diyos ay pag-ibig.

Juan 15:13
Walang pag-ibig na hihigit pa kaysa pag-ibig ng isang taong nag-aalay ng kanyang buhay para sa kanyang mga kaibigan. 

Panaghoy 3:22
 Pag-ibig mo, Yahweh, ay hindi nagmamaliw;
kahabagan mo'y walang kapantay.






compiled by #pastorJHUN

Monday, August 11, 2014

MALASAKITAN O SAKITAN?

Mga minamahal, mag-ibigan tayo sapagkat mula sa Diyos ang pag-ibig.
Ang bawat umiibig ay anak ng Diyos at kumikilala sa Diyos.
1 Juan 4:7

MAG-IBIGAN TAYO. Isa sa mga praktikal na pagkilos ng pag-ibig ay ang pagmamalasakit (care). Maliban sa pagsasabing “iniibig kita,” ang patunay nito ay ang pagmamalasakit natin sa kalagayan ng kapwa. Sa diwa ng pagmamalasakit, hindi makakapasok ang pag-aalitan, inggitan, at paninira sa kapwa. Hindi sinasaktan ang minamahal. Pinagmamalasakitan.

MULA SA DIYOS ANG PAG-IBIG. Hindi madali ang umibig. Ito ay nangangailangan ng panahon sa paglalim ng relasyon. Maaaring makabuo ng mabuting ugnayan at maaari ding makasira nito. Subalit dapat isaisip ng bawat isa na ang pag-ibig  ay mula sa Diyos at tanging Siya lamang ang mapagkukuhanan natin ng tamang pamantayan sa pag-ibig. Makakatulong ang mga "tagapayo sa pag-big" ngunit bilang mga mananampalatayang Cristiano, naniniwala tayong sa Diyos lamang nagmumula ang kakayahan nating umibig ng tama sa kapwa.

ANAK NG DIYOS. May katiyakang masasambit ng bawat isa na siya’y anak ng Diyos kung naipamumuhay nito ang pag-ibig. Ang tunay na nakakikilala sa Diyos ay ang mga taong ipinamumuhay ang pag-ibig sa kapwa. Nagmamalasakit. Hindi nananakit. Kumikilos sa diwa ng pag-ibig. Bilang mga minamahal na anak ng Diyos, pairalin ang malasakitan hindi sakitan.

Pastor Jhun Lopez


Friday, August 8, 2014

UGNAYANG MAGKAKAPATID

Ang umiibig sa kanyang kapatid ay nananatili sa liwanag,
at hindi siya magiging sanhi ng pagkakasala ng iba.
1 Juan 2:10

PAG-IBIG SA KAPATID. Ang pagmamahal sa Iglesia - kalipunan ng mga mananampalataya - ay inihalimbawa ng Panginoong Jesus. Isang pag-ibig na sukat ialay Niya ang sariling buhay alang-alang sa Iglesiang Kanyang minamahal. Ito ang pag-ibig na tinutularan natin sa pakikipag-ugnay sa kapatirang Cristiano. Ang pag-ibig na walang kondisyon ay katangian ng pag-ibig na dapat makita sa bawat mananampalataya ng Pangingoong Jesu-Cristo.

NANANATILI SA LIWANAG. Marahil, ang magpakita ng mabuti ay madali para sa iba. Lalo na kung may isusukling mabuti ang kapwa. Subalit kahit anong gawin ng isang tao, kung masama ang kalooban nito’y makikita pa rin sa kanyang panlabas na pagkilos. Ang liwanag ng Panginoon sa puso ng bawat isa ay higit na naipapadama ayon sa tindi ng naipakikitang pag-ibig sa kapatiran. Habang iniibig ng higit ang kapatiran, higit na nagliliwanag ang buhay sa harap ng karamihan. Paano nga namang maiibig ang mga nasa labas kung ang mismong kasa-kasama sa loob ay hindi magawang ibigin?

HINDI NAGIGING SANHI NG PAGKAKASALA NG IBA. Ang pag-ibig sa kapatiran ay nagdudulot ng magandang samahan tungo sa kabanalan ng buhay. Higit na nagkakatulungan at nagsusuportahan habang ang pag-iibigan ay nakikita sa samahan. Ang pag-ibig ang nagsisilbing sandata laban sa mga maling pakikipag-ugnayan. Ito ang naglalayo sa atin sa mga kasalanang katulad ng inggit, alitan, paninira, at iba pa. Higit na nagliliwanag ang kabanalan ng kalipunan ng mananampalataya dahil sa nakikitang pagmamahalan sa pagitan ng mga kapatiran. Simulan na ang pagpapadama ng tunay na pag-ibig sa kapwa!

    Reb. JHUN LOPEZ

Friday, August 1, 2014

PAMILYANG SUMASAMPALATAYA

Sumagot naman sila,
"Sumampalataya ka sa Panginoong Jesus,
at maliligtas ka, ikaw at ang iyong sambahayan." 
Gawa 16:31

KALIGTASAN. Sa kalagayang pisikal, tila kahit anong gawin nating pag-iingat, ang ligtas na kapaligiran ay hindi nararanasan ng karamihan. Kalamidad. Giyera. Away sa barangay. Krimen. Karahasan. Aksidente. At iba pang mga kilos na sumisira at pumapatay ng pisikal nakatawan. Hindi na tayo ligtas.

MALILIGTAS KA. Maliligtas hindi ang pisikal kundi ang bahaging espirituwal ng bawat isa sa atin. Hindi man tiyak ang kaligtasan ng pisikal, ang Biblia ay nagtuturo sa atin kung paano matitiyak ng isang tao ang kaigtasan ng kanyang kaluluwa. At sa diwa na ang bawat pamilya ay makasama sa kaligtasan, ang kaligtasan ng ama ng tahanan o puno ng tahanan ay siyang maghahatid ng kaligtasang natanggap niya patungo sa kanyang sariling sambayahan. Ang patuloy na pagdadala ng Mabuting Balita ng Panginoong Jesus sa pamilya ay magdudulot ng kaligtasan ng buong sambahayan.

SUMAMPALATAYA. Ang pananampalataya ay hindi isang “package” na kung gagawin ng isa ay automatikong nagaganap sa iba pa. Ang pagsampalataya ay pang-isahang pagpapasya. Ito’y hindi kailanman pang-ggrupo kundi isang pang-indibiduwal na karanasan. Ang pamilyang sumasampalataya ay magaganap lamang kung ang bawat kaanib nito ay nagpapahayag ng kani-kaniyang pagtatalaga ng pagsunod sa Panginoong Jesus. Nais ng Diyos na maligtas ang buong sambahayan… kabilang ka sa kanila!

Pastor JHUN LOPEZ


Featured Post

LUMALAGO SA PANANAMPALATAYA

      Alam ko ang mga ginagawa mo: ang iyong pag-ibig, katapatan, paglilingkod at pagtitiyaga. Nalalaman kong ang mga ginagawa mo ngayon ay ...