Patuloy na lumaki si Jesus;
lumawak ang kanyang karunungan
at lalong naging kalugud-lugod sa Diyos at sa mga tao.
Lucas 2:52
PATULOY NA LUMAKI SI JESUS. Kinikilala ko ang pagtupad nina Jose at Maria sa Sanggol na nagdulot ng malaking kagalakan sa kanilang sambahayan. Mula sa paglilihi at panganganak ni Maria, sa pagpaparoo’t pagpaparito ng pamilya maproteksyunan lang ni Jose ang Sanggol, hanggang sa ikalabindalawang taon ng bata, dinala nila si Jesus sa Jerusalem sa Araw ng Paskuwa. Nakita ni Jesus ang katapatan sa Diyos ng kinikilalang magulang. Lumaki Siya sa tahanang puno ng pagpapala dahil sa kanilang pananampalataya.
ANG MAGULANG AT MGA ANAK. Aminin man natin o sa hindi, malaki ang partisipasyon ng magulang sa uri ng buhay ng kanilang mga anak sa kinabukasan. Sa apat na aspeto ng buhay, pananagutan ng magulang na hubugin sa tamang pagpapalaki ang anak. Pisikal. Intelektuwal. Sosyal. At higit sa lahat, ang buhay espirituwal. “Kung ano ang puno, siya'ng bunga.” Kung ano ang ginawang pagdisiplina ng magulang, malamang sa hindi, magiging gayon ang kanyang mga anak.
PAMILYANG PINAGPALA. Ang pamilya nina Jose at Maria ay pinagpala. Una, magkasama sila sa iisang pananampalataya. Ikalawa, isinama nila ang buong pamilya sa lugar ng pagsamba. At ikatlo, bawat isa sa kanila; si Jose, si Maria at lalo na ang Panginoong Jesus, ay tumupad sa kalooban ng Diyos Ama. Pamilyang Pinagpala!
Pastor Jhun Lopez
No comments:
Post a Comment