Search This Blog

Saturday, July 26, 2014

MAGKAISA TAYO!

Mga kapatid, ako'y nakikiusap sa inyo,
sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo,
magkaisa kayo at huwag magkabaha-bahagi
maging sa isipan at maging sa layunin.
1 Corinto 1:10

MAGKAISA KAYO. Bilang iisang katawan ng Panginoong Jesu-Cristo, ang bawat mananampalataya ay tinatawag sa pagkakaisa. Ang fellowship ay hindi lamang isang gawaing itinatakda upang magkaroon tayo ng kasiyahan. Ito ay nakikita sa araw-araw na pamumuhay ng lahat ng kapatiran. Kaya nga, napakahalaga ng pagkakaisa sa mga pagtitipon Cristiano. Walang pagkakanya-kanya.

HUWAG MAGKABAHA-BAHAGI. Hindi tayo pinagsasama ng Diyos para lamang magkaba-bahagi sa huli. Iba-iba nga tayo ng bahagi ngunit hindi para magkahiwa-hiwalay kundi upang magpatuloy na magkaka-ugnay tungo sa ikalalakas at ikatitibay ng bawat isang kapatiran. Isa sa mga dahilan ng pakiusap na ito ni Pablo sa mga taga-Corinto ay ang balitang, may “nag-aaway-away” sa kanila (t.11). Aminin man natin o sa hindi, ang alitan o maging simpleng tampuhan ay nakakasira ng pagkakaisa. Dito nagsisimula ang pagkakampi-kampi.

SA ISIPAN AT LAYUNIN. Ano ang isipan at layunin ng bawat isa na dapat nating pagkaisahan? Bilang iisang katawan, magkaisa tayo sa  layunin at misyon. Magkaisa tayo sa isipa’t layunin na abutin ang mga tao sa ating komunidad, hubugin sa higit na maunlad na pananampalataya ng mga kapatiran, hasain ang ginagawang paglilingkod sa loob at labas ng simbahan, at maging handa ang lahat sa mabungang paglilingkod sa ating kapwa. Sa kaluwalhatian ng ating Panginoong Diyos, magkaisa tayo!

Pastor Jhun Lopez


No comments:

Post a Comment

Featured Post

LUMALAGO SA PANANAMPALATAYA

      Alam ko ang mga ginagawa mo: ang iyong pag-ibig, katapatan, paglilingkod at pagtitiyaga. Nalalaman kong ang mga ginagawa mo ngayon ay ...