Ipinapahayag nga namin sa inyo ang aming nakita't narinig
upang makasama kayo sa aming pakikiisa sa Ama
at sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo….
upang malubos ang ating kagalakan. .
1 Juan 1:3,4
PAGSASAMA-SAMA NG KAPATIRAN. Mabuting bagay na ang mga mananampalataya ay naglalaan ng panahon sa mga pagtitipong Cristiano; Sunday School, Linggong Pananambahan, Cell Group, Midweek Prayer Service, Bible Studies at mga Fellowships. Ang pagdalo at pakikiisa sa mga gawaing nabanggit ay nagdadala ng kalakasan para sa atin at sa kapatiran. May biyaya sa pagtitipon ng mga mananampalataya.
PAKIKIISA SA AMA AT SA ANAK. Higit pa sa pagsasama-sama at pagkikita-kita, dapat nating tandaaan na ang bawat gawai’y nakasentro sa Panginoong Jesus. Ang pagtitipon ng kapatiran ay nararapat lumampas sa pisikal na anyo lamang. Sa halip, alalahanin lagi na ang mga gawaing ito ay gawaing espirituwal. Ang pakikiisa at pakikisama ay nakatuon sa Diyos. Itinatanghal natin ang ngalan ng Panginoong Jesus sa ikaluluwalhati ng Diyos Ama. Tandaan nating nalulugod ang Diyos sa pagtitipong Siya ang sentro.
UPANG MALUBOS ANG KAGALAKAN. Wala nang iba pang lugar ang sa ati'y makapagdudulot ng tunay at lubos na kagalakan maliban sa presensiya ng Diyos. Ang mga oras ng pananalangin, pagbabasa ng Biblia, pag-awit ng Imno at mga awiting espirituwal, pakikinig ng Sermon, maging ang pagtahimik sa harap ng Panginoon ay magdadala sa atin sa isang masaya at mabiyayang buhay. Sa piling ng Diyos, papalitan Niya ng kagalakan ang ating mga kalungkutan. Ang kagalakang maranasan ang Diyos sa buhay ng bawat lumalapit sa Kanyang banal na presensiya.
Pastor Jhun Lopez
No comments:
Post a Comment