"Hindi ko ikinahihiya ang Magandang Balita,
sapagkat ito ang kapangyarihan ng Diyos
para sa kaligtasan ng bawat sumasampalataya,"
Roma 1:16
MAGANDANG BALITA: HUWAG IKAHIYA. Naibahagi mo na ba sa iba ang Ebanghelyo? Ilang tao na ba ang nadala mo sa pananampalataya at paglilingkod sa Diyos? Nagdadalang-hiya ka pa rin ba sa pagbabahagi? O may kaba pa rin sa 'yong dibdib? Tandaan, ang Mabuting Balita ay nagpapalakas ng kalooban ng isang Cristiano at hindi dapat maglagay ng pagkapahiya sa kanyang puso.
MAGANDANG BALITA: KAPANGYARIHAN NG DIYOS. Pag-ibig ang mensaheng dala-dala ng Magandang Balita. Pag-ibig ang nauunang biyaya ng Diyos sa atin upang matanggap natin ang Kanyang pagliligtas. Pag-ibig ang kapangyarihan ng Diyos kung kaya’t ibinigay Niya ang Kanyang bugtong na Anak—ang Panginoong Jesu-Cristo! Ating ipamalita ang dakilang pagmamahal ng Diyos sa buong sanlibutan taglay ang kapangyarihang dulot ng Diyos!
MAGANDANG BALITA: KALIGTASAN. Ang tao ay nasa kawalan ng pag-asa. Makasalanan. Ang patutunguhan ay kamatayan. At ang pangunahing kailangan ay kaligtasan. Tanging ang pananampalataya sa bugtong na Anak ng Diyos ang makapagliligtas sa sinuman. Ito ang isa sa mga layunin ng pagiging alagad ni Cristo, ang madala ang mga tao hindi lamang sa loob ng kapilya kundi sa pagsunod sa Kanya bilang Panginoon at Tagapagligtas. Ito ang layuning isinusulong ng bawat kapatirang Cristiano.
Pastor Jhun Lopez
No comments:
Post a Comment