Search This Blog

Saturday, November 23, 2024

MANATILING TAPAT SA DIYOS

  Alam ko kung saan ka nakatira, sa kinaroroonan ng trono ni Satanas. Gayunma'y nananatili kang tapat sa akin. Hindi mo tinalikuran ang iyong pananampalataya sa akin kahit noong si Antipas na tapat kong lingkod ay patayin diyan sa kalagitnaan ninyo sa lugar na tinitirhan ni Satanas.

Pahayag 2:13

 

TAYO MAN AY NAPALILIGIRAN NG HINDI MANANAMPALATAYA. Ang Iglesia sa  Pergamo ay nanatiling tapat sa Diyos sa kabila na sila ay nakatira sa kinaroonan ni Satanas. Ito ay paglalarawan ng mga lugar na kung saan ang mga mamamayan ay walang pananampalataya sa Diyos. Sila ay nakatira sa paligid ng mga taong walang takot sa Diyos at namamayani ang kasamaan. Sa kabila ng ganitong kalagayan, ang sabi ng Panginoong Jesus, "nanatili kang tapat sa akin." Nalalaman ng Panginoon na ang sitwasyon nila ay hindi madali lalo na kung ang pag-uusapan ay katapatan sa Diyos, madali silang makompromiso sa uri ng buhay ng mga taong ito. Pero ang mga taga-Pergamo ay nanatiling tapat.

Tayo ay napaliligiran ng mga taong walang pananampalataya sa Panginoong Jesus. Marahil ay may kanya-kanyang pananampalataya ang bawat tao. Karapatan ito ng bawat isa. Subalit bilang mga mananampalatayang Cristiano, ang pananatili sa pananampalataya ay dapat lang pahalagahan ng bawat isa sa atin. Hindi natin sila maiaalis sa ating mga buhay kahit saan man tayo manirahan. Mayroon at mayroong mga taong makakasama mo na wala pa sa pananampalataya. Na hindi man tayo marahil natatangay sa kasamaan, ngunit maaaring maglayo sa atin sa pagtitiwala sa Panginoong Jesus. Manatili tayong tapat sa Diyos, tayo man ay napaliligiran ng mga taong hindi pa mananampalataya.

TULAD NG MGA HUWARANG LINGKOD NG DIYOS. Tayo ay napaliligiran ng mga hindi mananampalataya na dapat nating akayin sa Panginoong Jesus. Gayundin naman, ginagamit ng Diyos ang mga tapat na lingkod Niya upang magsilbing huwaran sa mga mananampalataya. Isa na rito si Antipas, na ayon sa sinabi ng Panginoong Jesus, ay tapat na lingkod Niya na pinatay sa gitna ng mga hindi mananampalataya. Ito ay nasaksihan ng mga taga-Pergamo subalit sa kabila nito, hindi nila tinalikuran ang kanilang pananampalataya. Nagsilbi itong mabuting halimbawa para sa kanila upang hindi nila iwanan ang pananampalataya.

Ang Diyos, sa pana-panahon, ay gumagamit ng mga lingkod Niya na nagsisilbing huwaran sa mga mananampalataya. Mga lingkod Niya na nagpakita ng katapatan sa paglilingkod sa kabila ng kanilang pinagdaraanang mga pagsubok. Ang mga patotoo ng mga lingkod ng Diyos na kahit anong kahirapan ay nagpapatuloy. Hindi hadlang ang karamdaman, lalo na ang kahirapan. Hindi sila ligtas sa mga pagsubok at kadalasang nasa pakikibaka sa buhay. Sila ang kalakasang instrumento ng Panginoon sa mga kapatirang dumaranas ng matinding pagsubok at mga bagyo ng buhay. Nananatili tayong tapat sa tulong ng mga huwarang tauhan sa Banal na Kasulatan at maging sa mga mananampalatayang nakaugnay natin sa buhay.


MAG-INGAT SA MGA MALING KATURUANAng mga maling katuruan ay laganap sa Iglesia sa Pergamo. Ito ang ayaw ng Panginoong Jesus sa kanila. Nanatili silang tapat sa kabila ng tinitirhan nilang napaliligiran ng mga di mananampalataya. Hindi sila tumalikod sa pananampalataya sa kabila ng kamatayan ng isa sa mga tapat na lingkod ng Diyos. Ang nakalulungkod, nakapasok sa kanila ang maling katuruan, Sila ay nahikayat at sumunod sa katuruan ng mga ito (t. 14-15) Ito ay mga katuruang tulad ng mga Gnostics na para sa kanila, karunungan ang mahalaga sa lahat at ang anumang materyal ay masama. Kaya naman, ang mga taga-Pergamo ay nahikayat ng katuruan ni Balaam at mga Nicoalita. Ang pagsamba sa diyus-diyosan at ang sexual immorality ay nakapasok sa Iglesia.

Sa panahon natin, ang maling katuruan ay laganap. Sa pananatili nating tapat sa Diyos, mahalagang tayo ay may matibay na panghahawakan sa katuruan ng Banal na Kasulatan. sa dami ng nagpapakilalang sila ang bagong Jesus sa ating panahon, sa dami ng mga grupo ng relihiyon na tila katulad din naman natin, mahalagang tayo ay maging mapanuri nang sa gayon ay hindi tayo mahikayat ng maling katuruan. Hindi tayo malinlang ng mga bulaang mangangaral. Manatli tayong tapat sa Diyos may mga katuruan mang nagkalat sa paligid.

                                                                                                  PastorJLo





No comments:

Post a Comment

Featured Post

LUMALAGO SA PANANAMPALATAYA

      Alam ko ang mga ginagawa mo: ang iyong pag-ibig, katapatan, paglilingkod at pagtitiyaga. Nalalaman kong ang mga ginagawa mo ngayon ay ...