Huwag kang matakot sa mga pag-uusig na malapit mo nang danasin. Makinig ka! Ipabibilanggo ng diyablo ang ilan sa inyo bilang pagsubok; magdurusa kayo sa loob ng sampung araw. Manatili kang tapat hanggang kamatayan, at gagantimpalaan kita ng korona ng buhay.
Pahayag 2:10
SA KABILA NG KAPIGHATIANG NARARANASAN. Ang maging tapat at nananatiling tapat sa Panginoon hanggang kamatayan ay isa sa mga layunin nating maging kalagayan ng ating pananampalataya. Sa panahon natin, maging sa panahon ng Iglesia sa Esmirna, ang pag-uusig at mga pagsubok ay hindi na bago. Tiyak ang pagdurusang kanilang dadanasin. Niloob ito ng Panginoong Jesus upang masubok ang kanilang katapatan. Ito ang maghahatid sa kanila ng gantimpala ng korona ng buhay. Ito ang magliligtas sa kanila sa hirap na idudulot ng pangalawang kamatayan (t.11).
Sa kasalukuyan noon, ang Iglesia ay dumaranas ng kapighatian (t. 9a). Sila ay nasa panahon ng matinding kalungkutan, Hindi sila ligtas sa mga hindi inaasahang kaganapan sa buhay tulad ng pagpanaw ng mahal sa buhay, pagkakaroon ng malalang karamdaman, at makasalubong ng mga pangyayaring nagpapasakit ng puso't isipan. Ito ang payo ng Panginoong Jesus, manatili silang tapat sa kabila ng kapighatiang nararanasan nila sa kasalukuyan. Ito rin ang nais ng Panginoong Jesus na maranasan ng sinumang sa atin ay nasa panahon ng kapighatian. Gaano man katindi ang iyong pinagdaraanan na sukat magpalungkot ng iyong buhay, manatili kang tapat sa pananampalataya!
SA KABILA NG KAHIRAPAN NG BUHay. Ang mga taga-Esmirna ay mayamang bayan (t, 9b). Nakalulungkot mang isipin, ang tingin nila sa kanilang sarili ay mahirap. Isa sa mga dahilan ng pagtalikod sa pananampalataya ay ang sobrang pagtingin sa mahirap na kalagayan ng buhay. Nagiging mabuway ang pagtitiwala sa Panginoon dahil higit nilang nakikita ang kakulangan sa buhay hindi ang biyayang natatamasa nila mula sa Panginoon. Nais ng Panginoong Jesus na ang mga taga-Esmirna ay maging katulad ni Pablo na natutuhang masiyahan anumang kalagayan niya sa buhay (Filipos 4:11). Makita nila ang saganang pagpapala ng Diyos, hindi ang kasalukuyang wala sa kanilang mga kamay.
Ang kahirapan ay nararanasan nating lahat sa iba't ibang anyo nito. Mayroon sa ating walang pinagkakakitaan. Ang marami sa atin, mayroon mang trabaho subalit kulang pa rin sa pang-araw-araw na panggastos. Marahil ay may mga araw na masagana ang buhay pero mas madalas ang panahong kulang at ramdam ang kahirapan. Ang mga bayarin ay alalahaning regular nating nasasalubong. May hirap sa buhay. Gayunpaman, nawa ay matutuhan nating masiyahan at patuloy na maging tapat sa pananampalataya sa kabila ng mga kahirapang ngayon ay nararanasan natin.
SA KABILA ng paninirang-PURI ng ibang tao. Ang mga taga-Esmirna ay hindi rin ligtas sa mga taong mapang-usig. Ito ay kasalukuyan nilang nararanasan. Hindi lang basta mang-uusig, ito ay mga mapanggap na Judio at mga kampon ni Satanas (t. 9c). Hindi madali ang kanilang sitwasyon. Matinding pagsubok ang mga taong mapang-usig sa isang mananampalatayang Cristiano. Hindi lang sitwasyon o pangyayari ang nagpapahirap na higit na madaling mapagtagumpayan, ang pang-uusig ng mga taong nakapaligid sa kanila ay higit pa sa sakit ng damdamin at isipan. Nakaugnay ito sa ating relasyon at pakikitungo sa tao. Na maaaring umabot sa pisikal na pagsasakitan. At ang mga taong umuusig sa mga taga-Esmirna ay nasa tabi-tabi lang nila at nakikita ng kanilang mga mata.
Hindi tayo ligtas sa pang-uusig ng mga tao. May mga taong hindi natin mabibigyan ng kasiyahan. May mga taong hindi matutuwa sa ating lumalagong pananampalataya. Dagdag pa rito ang mga kilos nating maaaring hindi pasado sa kanilang pagtingin at panlasa. At sadya namang may mga taong walang ginawa kundi mang-usig ng kapwa. Ito ang maaari nating maranasan sa mga taong nakapaligid sa atin. Minsan pa nga'y kung sino pa ang mga inaasahang makakaunawa sa atin ay sila pa ang makakasakit sa ating damdamin. Gayunpaman, asahan na nating may mga pang-uusig tayong mararanasan, basta, manatili tayong tapat sa pananampalataya!
PastorJLo
No comments:
Post a Comment