Search This Blog

Saturday, May 8, 2021

LUMALAGONG PANANAMPALATAYA

1 Tesalonica 5:16-18

Magalak kayong lagi, palagi kayong manalangin, at magpasalamat kayo sa Diyos sa lahat ng pagkakataon; sapagkat ito ang kalooban ng Diyos para sa inyo sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus.

____________________

Gaano na nga ba tayo kalalim sa pananampalataya? Ano na ang sukat ng ating paglago sa buhay Cristiano?

Lahat ay nagpapasimula sa simula. Ang mga matatanda ay nagsimula sa pagiging bata. Ang isang mananakbo ay nagsisimula sa starting line. Ang isang punongkahoy, bago magbigay ng masaganang bunga, ay nagsimula sa binhi hanggang maging ganap na puno. Gayundin ang buhay ng isang mananampalataya ng Panginoong Jesu-Cristo. ang paglagong espirituwal ay mahalagang karanasan ng bawat isang nagsasabing siya ay tagasunod ni Cristo.

Ang Unang Sulat ni Pablo sa mga Tesalonica ay naglalayong palakasin ang loob ng mga noo'y batang-bata pa sa pananampalataya tungo sa kanilang lumalagong buhay espirituwal. Ano nga ba ang mga tanda ng lumalagong pananampalataya? Tingnan natin ang tatlong pagkilos na binigyang-diin ni Pablo.

Laging magalak. Ang kagalakan ay hindi nakadepende sa sitwasyon kundi dahil sa pananampalatayang ang Diyos ay laging kasama. Ang Cristianong lumalago sa kanyang buhay espirituwal ay naipamumuhay ang kagalakan sa anumang kalagayan niya sa buhay.

Laging manalangin. Pinahahalagahan ni Pablo ang buhay panalangin ng mga mananampalataya sa Tesalonica. Ang pananalangin ay pagkilos ng kanilang pananampalataya. Ang paglalim nila dito ay tanda ng paglago. Isang patuluyang karanasan ng paglapit sa mahabaging trono ng Diyos.

Laging magpasalamat. Malibang lumalago ang pananampalataya, malamang na ipagreklamo ng isang Cristiano ang mga di inaasahang pangyayari sa kanyang buhay. Lalo na kung ang nagaganap ay hindi niya kagustuhan. Ngunit ang lumalagong Cristiano ay natututong magpasalamat sa anumang kalagayan sa buhay.

Sa tatlong pagkilos ng lumalagong pananampalataya ay marapat na isagawa ng bawat Cristiano sapagkat ito ang kalooban ng Diyos sa lahat ng mga nakipag-isa sa Panginoong Jesu-Cristo. Hindi man ganap na naisasagawa, ang pagsisikap na ito ay maipamuhay ay maging pangunahin sa ating mga buhay. Tanda ng lumalago nating pananampalataya.


Pastor Jhun Lopez





No comments:

Post a Comment

Featured Post

LUMALAGO SA PANANAMPALATAYA

      Alam ko ang mga ginagawa mo: ang iyong pag-ibig, katapatan, paglilingkod at pagtitiyaga. Nalalaman kong ang mga ginagawa mo ngayon ay ...