Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.
Mateo 22:39
ANG PINAKAMAHALAGANG UTOS. Nalalaman ng karamihan, kung hindi man lahat, na ang pag-ibig sa Diyos ang pinakamahalagang utos sa lahat. Ito ang bumubuo sa mga utos na nasasaad sa Lumang Tipan. Na itinuro naman ng Panginoong Jesus sa Kanyang mga alagad. Pag-ibig sa Diyos ng buong puso, buong kaluluwa, buong lakas at buong pag-iisip. Gayunpaman, naniniwala tayo sa sinabi ni Juan na “Ang Diyos ang unang umibig sa atin” (1 Juan 4:19). Kaya naman nagagawa nating ibigin ang Diyos.
IBIGIN ANG KAPWA. Isang katotohanang hindi natin maaaring ihiwalay ang utos na ito sa nauna. Ang sinumang nakaranas sa pag-ibig ng Diyos ay umiibig sa Diyos. Ang sinumang nagsasabing iniibig niya ang Diyos ay nagbubunga ng pag-ibig din naman niya sa kanyang kapwa. Malaking kasinungalingan ang pagsasabing mahal natin ang Diyos kung may mga taong kinapopootan natin. Ibigin maging ang mga taong hindi kaibig-ibig. Ibigin maging ang mga taong umuusig sa atin sa kabila ng mabuting ginagawa natin. Ibigin sa paniniwalang sila rin naman ay iniibig ng Diyos.
GAYA NG SA SARILI. Ang maaaring maging batayan natin sa pag-ibig sa kapwa ay ang pagpapahalaga natin sa ating mga sarili. Kung paano nating minamahal at iniingatan ang sarili at mga bagay ng sarili natin ay siya namang dapat makita sa uri ng ating mga pamumuhay. Pagpapaimbabaw namang sabihing mahal natin ang isang tao kung ang mismong sarili ay hindi natin magawang mahalin. Kasakiman naman ang sobrang pagmamahal sa sarili ngunit hindi magawang mag-abot man lamang ng tulong sa mga taong nangangailangan ng pag-ibig. Mahal tayo ng Diyos, mahalin natin ang Diyos. Mahal mo ang sarili mo, higit mong mahalin ang kapwa mo.
PATULOY NA PAGSASABUHAY Ang pinakamahalagang utos ay hindi nagtatapos sa kaalaman lamang. Hindi ito dagdag na karunungan sa Banal na Kasulatan. Ibinigay ito ng Panginoong Jesus sa dahilang nais Niyang ito ang maging pamantayan natin sa pamumuhay bilang mga mananampalataya NIya. Dalangin kong bawat isa sa atin ay maging masigasig at masikap na maisagawa ang pag-ibig sa Diyos at pag-ibig sa kapwa.
Pastor Jhun Lopez
__________________
Nakaraang blog: KATUPARAN SA ATING MGA HANGARIN
No comments:
Post a Comment