Sa iisang bibig nanggagaling ang pagpupuri't panlalait. Hindi ito dapat mangyari, mga kapatid. Hindi lumalabas sa iisang bukal ang tubig-tabang at tubig-alat. :: Santiago 3:10-11
NAPAKALAKING KAYABANGAN (t. 5). Ang sinasambit ng dila ay nagpapahayag kung ano ang nilalaman ng puso ng nagsasalita. Ipinakikilala nito ang isipan, damdamin, mga balak at kalooban ng isang tao. Hindi man sabihin, kadalasan, ang lumalabas sa bibig ay pawang pagtataas ng sarili. May mga taong nagpapakita ng pagbababa ng sarili dahil sa pagkakaroon ng low self-esteem, gayunpaman, bibihira nating maririnig na ipinagsabi nito ang sariling kahinaan. Sa halip, kayabangan ang palagiang trabaho nito. Paamuin ang dila.
PARANG APOY AT MAKAMANDAG (t.6,8). Lumilikha ng sunog. Nakamamatay. Kung hindi paaamuin ang dila, walang katapusang tsismisan, paninirang puri, panunungayaw at iba pang pananalitang wawasak sa buhay ng mga tao kung hindi man ito humantong sa kamatayan. Ngunit maaaring sabihin ng iba, “Mabuti pang pinatay mo na ako, kaysa murahin mo ako ng ganoon na lang!” Ang malalim na poot at galit ay kadalasang nag-uumapaw at hindi maiwasang ilabas ng dila. Ito ang pinagsisimulan ng maraming away. Paamuin ang dila!
HINDI DAPAT MANGYARI! Ang dila ay bahagi ng katawan na Diyos ang maylikha. Dahil sa kasalanan, ang kasamaan ay nagsimulang marinig sa dila ng tao. Subalit sa mga Cristiano, HINDI DAPAT MANGYARI ITO! Hindi dapat marinig ang kayabangan at anumang uri ng pagmamataas. Hindi dapat ito lumilikha ng “apoy” na sumisira sa kapwa. Hindi dapat maging bukangbibig ng isang mananampalataya ang mga salitang tila “pumapatay” sa kapwa lalo na sa kanyang kapwa mananampalataya. Sa halip, ang maamong dila ng Cristiano ay nariringgan ng mga salitang mabuti at nakapagpapalakas. Na ang bawat titik nito ay nagbibigay ng papuri, pagluwalhati at pagdakila sa Diyos na lumikha sa atin.
Pastor Jhun Lopez
No comments:
Post a Comment