Minsan,... malungkot na pumunta si Ana
at nanalangin sa bahay ni Yahweh….
Buong pait na lumuluha si Ana
at taimtim na nanalangin kay Yahweh.
1 Samuel 1:9-10
ANG BUHAY AY PUNO NG GIYAGIS. Hindi natin maikakaila na ang bawat isa ay nakakaranas ng problema at iba’t ibang mga pagsubok sa buhay. May mga tao o pangyayaring uusig at may dalang lungkot sa puso. May mga pagkakataong tila wala na tayong matakbuhan. Sa di inaasahan, ang mga taong malayo sa Diyos ay nauuwi sa hindi magandang kalagayan. Puno ng giyagis at hapis. Nakakalungkot.
MALUNGKOT AT NANALANGIN. Ang pinagdadaanan ni Ana, bilang asawang walang anak, ay mabigat na sitwasyon. Nagdalang lungkot ito sa kanya, dagdag pa ang panunuya ni Penina. Maaari niyang kimkimin ang sama ng loob. O kaya’y harapin at awayin ang nang-uusig. Subalit ang tamang reaksyon ay ipinakita ni Ana. Sa kanyang kalungkutan, nagpunta siya sa bahay ni Yahweh para manalangin. Malungkot at nanalangin.
LUMULUHA AT TAIMTIM NA NANALANGIN. Masakit sa loob. Mapait at tiyak ang pagluha. Marahil naranasan na natin ang pinakamabigat na pasanin sa buhay na nagpaiyak sa atin. Para kay Ana, ang mapait na pagluha ay nagdala sa kanya upang lalong lumapit sa trono ng Diyos sa pamamagitan ng pananalangin. Isang taimtim na panalangin para sa isang matinding kalagayan sa buhay. Hindi itinulak si Ana palayo sa Diyos ng mabigat na dinadala. Siya ay higit pang napalapit sa Panginoon. Lumuluha ngunit taimtim na nanalangin!
Pastor Jhun Lopez
No comments:
Post a Comment