Sa pamamagitan niya,
ang mga bahaging pinag-ugnay-ugnay ng kasukasuan
ay magiging isang katawan;
ay magiging isang katawan;
at kung maayos na gumaganap ng tungkulin ang bawat bahagi,
ang buong katawan ay lalaki at lalakas
sa pamamagitan ng pag-ibig.
Efeso 4:16
IISANG KATAWAN. Ang Panginoong Jesus ang Ulo ng Iglesia, tayong mananampalataya ang Kanyang katawan. Bawat isa sa atin ay bahagi ng katawan. Magkakaugnay-ugnay tayo saan mang bahagi ang ating kinalalagyan. Bawat bahagi ay mahalaga. Walang ni isa ang dapat tingnan ng higit kaysa isa. Pinag-uugnay-ugnay tayo ng “kasukasuan.” Isang elementong mahalaga sa maayos na ugpungan ng bawat bahagi. Kung wala nito, magiging masakit ang “kiskisan” ng mga bahagi.
MAAYOS NA PAGGANAP. Mahalagang bawat bahagi ng katawan ay maayos na gumaganap ng tungkulin. Ang nasasaad sa kanyang tungkulin ang siyang isinasagawa. May pagkakaisa sa paggawa. Walang nasasagasaan. Nagtutulungan upang lahat ay makaganap. Hindi nagpapagalingan. Walang pataasan. Lahat ay kumikilos tungo sa ikalalaki at ikalalakas ng katawan.
SA PAMAMAGITAN NG PAG-IBIG. Pag-ibig ang susi ng lahat! Ito ang tugon ng Diyos sa kasalanan ng sanlibutan upang muling makaugnay ang tao sa Diyos. Ito rin ang “kasukasuang” ibinigay ng Diyos sa atin upang tayo’y magka-ugnay-ugnay na may kaayusan. Ito ang magpapalalim at maglalapit ng ating ugnayan bilang katawan ng Panginoong Jesus. Patuloy tayong mangag-ibigan!
Pastor Jhun Lopez
No comments:
Post a Comment