Ipagkatiwala ninyo sa kanya ang inyong mga alalahanin sa buhay sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo..
1 Pedro 5:7
Pasakop tayo sa kapangyarihan ng Diyos. Ang Diyos ang Panginoon ng ating buhay. Siya ang namamahala at Siya ang naghahari. Katulad ng matatandang namumuno na binanggit ni Apostol Pedro sa talatang 1 na tinagubilinan niyang pangalagaan ang kawan, gampanan ang tungkulin at maging halimbawa, ang Panginoong Jesus, ang ating Pinunong Pastol ay nangangalaga sa atin. Ang pagmamalasakit Niya ay nasa Kanyang kawan. Tinupad Niya ang tungkulin Niyang tubusin ang kasalanan ng sanlibutan sa pamamagitan ng Kanyang dugong tumulo sa krus ng kalbaryo. Siya ang Panginoong nagpamalas ng nakapadakilang pagmamalasakit sa mga taong parang mga tupang walang pastol.
Dahil dito, marapat lamang na tayo ay magpasakop sa Diyos bilang patunay ng ating pagkilala sa Kanyang pamumuno sa ating mga buhay. Ito ang sinasabi sa talatang 6, "pasakop kayo sa kapangyarihan ng Diyos." Magiging madali sa isang Cristiano ang magpasakop sa Diyos kung matibay ang pananalig niya na ang Panginoong sumasakop sa kanyang buhay ay nagmamalasakit sa kanya.
Ipagkatiwala sa Kanya ang ating mga alalahanin. Nagmamalasakit ang Panginoong Diyos. Ang pag-ibig Niya na nagbigay sa atin ng Kanyang bugtong na anak ay napakadakilang pagmamalasakit. Tinubos Niya ang kasalanan natin. Ang kasalanang magdadala sa atin sa walang hanggang kamatayan ay ating napagtagumpayan. Isinigaw ng Panginoong Jesus, "Naganap na!" Tinapos na Niya, bayad na! Lubos na pagpapatawad ang Kanyang ginampanan at ang pagpapatawad na ito ay hindi na mangangailangan ng panibagong hain sa dambana ng Diyos. Ang kailangan lamang ay sumampalataya sa Panginoong Jesus at sa Kanyang ginawa na Siya ang ating Panginoon at Tagapagligtas.
Nagmamalasakit ang Panginoong Jesus. Siya ay naging tao at namuhay na isang alipin at nagpakumbaba hanggang sa kamatayan sa krus (Filipos 2:5-11). Ginawa Niya ito dahil sa matinding pagmamalasakit Niya sa kahihinatnan ng tao. Kaya nga, kung anuman ang ating mga alalahanin, nakatitiyak tayong nauunawaan tayo ng Panginoong Jesus at lubos ang Kanyang pagmamalasakit. Nalalaman Niya at naiintindihan ang ating mga hirap at sakit. Dama Niya ang mga kahirapang ating pinagdaraaanan. Siya ang ating Pastol na nagmamalasakit sa atin.
Marahil ay napakabigat na ng iyong pinapasan. Nanganganib na ang iyong buhay. Tila wala nang patutunguhan ang buhay. Ngunit kung alam mong kaya ka nasa sitwasyong iyan dahil sa kalooban ng Diyos, palitan ng Diyos ang iyong kalungkutan ng lubos na kagalakang mula sa ating Diyos. Sabi nga ni Pablo sa mga taga-Filipos, "Magalak kayo! Inuulit ko, magalak kayo!" (Filipos 4:4)
PastorJLo
No comments:
Post a Comment